Nagtataglay ng mga pahayag tungkol sa karanasan sa paglalakbay ang lakbay-sanaysay. Isinusulat ito upang ilahad sa mambabasa ang mga nakita at natuklasan sa paglalakbay gamit ang pandama: paningin, pakiramdam, panlasa, pang-amoy, at pandinig.
Kadalasang pumapaksa sa magagandang tanawin, tagpo, at iba pang mga karanasan sa paglalakbay ang lakbay-sanaysay. Gayundin, maaari din itong magbigay ng impormasyon ukol sa mga karanasang di kanais-nais o hindi nagustuhan ng manunulat sa kanyang paglalakbay.
May mga lugar ka na bang napuntahan na noon pa man ay hinangad mo nang marating? Magbigay ng isang natatanging lugar na iyo nang narating. Ipaliwanag kung ano ang iyong natuklasan sa lugar na ito at paano ito nakaapekto sa iyong sarili?
Pangalan ng Lugar:
Ano-ano ang iyong natuklasan?
Paano ito nakaapekto sa iyong sarili?
It’s more fun in the Philippines. Ito ang islogang isinusulong ng ating bansa, sa pangunguna ng Kagawaran ng Turismo, bilang pagmamalaki sa ating turismo. Ano nga ba ang maipagmamalaki. ng bansang Pilipinas sa larangan ng turismo? Kung karanasan sa kagandahan ng magagandang tanawin ang paksa sa lakbay-sanaysay, tiyak na patok na patok ang binanggit na pahayag.
Tunay na mayaman sa kasaysayan at karanasan ang ating bansa hindi lamang sa taglay na likas na kagandahan kaya dito pa lamang ay marami ka nang maisusulat na paksa para sa sulatin na lakbay-sanaysay.
Tungkol nga ba kanino o saan ang lakbay-sanaysay?
Ayon kay Patti Marxsen, sa kanyang artikulong “The art of the travel essay,” ang isang mapanghikayat na lakbay-sanaysay ay dapat makapagdulot hindi lamang ng mga impormasyon kundi ng matinding pagnanais na maglakbay. Maituturing na matagumpay ang isang lakbay-sanaysay kung ito’y nakapag-iiwan sa mambabasa ng sariwa at malinaw na alaala ng isang lugar bagama’t hindi pa nila ito napupuntahan.
Ang lakbay-sanaysay ay maaaring pumaksa sa tao o mamamayan ng lugar. Binibigyang-pansin dito ang gawi, katangian, ugali, o tradisyon ng mga mamamayan sa isang partikular na komunidad.
Maaari ding maging paksa ng lakbay-sanaysay ang kasaysayan ng lugar at kakaibang mga makikita rito. Binibigyang-halaga rito ang uri ng arkitektura, eskultura, kasaysayan, anyo, at iba pa. Sa pagsulat, maaaring gamitin ang pagtatangi at paghahambing sa mga lugar upang malinang ang wastong pagtitimbang-timbang ng mga ideya, mula sa maganda o hindi kanais-nais, kapaki-pakinabang o walang kabuluhan, katanggap-tanggap o hindi katanggap-tanggap, at kapuri-puri o hindi kapuri-puri.
Higit sa lahat, ito ay tungkol din sa sarili sapagkat ang karanasan ng tao ang nagbibigay-kulay sa pagsulat ng lakbay-sanaysay. Binibigyang-halaga ang pagkilos sa lugar na narating, natuklasan sa sarili, at pagbabagong pangkatauhan na nagawa ng nasabing lugar sa taong nagsasalaysay na maaari din maranasan ng mga makababasa. Ito’y tila pagsulat ng isang magandang pangako ng lugar para sa mambabasa.
Mga Mungkahing Gabay sa Pagsulat ng Lakbay-Sanaysay
Narito ang ilang mungkahi sa pagsulat ng lakbay-sanaysay na maaari mong maging gabay.
- Bago magtungo sa lugar na balak mong puntahan ay dapat magsa!iksik o magbasa tungkol sa kasaysayan nito. Pag-aralan ang kanilang kultura, tradisyon, at relihiyon. Bigyang-pansin din ang sistemang politikal at ekonomikal ng lugar. Pag-aralan din ang Iengguwahe na ginagamit sa lugar na iyon.
- Buksan ang isip at damdamin sa paglalakbay, lawakan ang naaabot ng paningin, talasan ang isip, palakasin ang internal at external na pandama at pang-amoy, sensitibong lasahan ang pagkain.
- Magdala ng talaan at ilista ang mahahalagang datos na dapat isulat.
- Kung susulat na ng lakbay-sanaysay, huwag gumamit ng mga kathang-isip na ideya. Isulat ang katotohanan sapagkat higit na madali itong bigyang-paliwanag gamit ang mga malikhaing elemento.
- Gamitin ang unang panauhang punto de bista at isaalang-alang ang organisasyon ng sanaysay sa pagsulat. Magkaroon ng kritikal na pananaw sa pagsulat sa pamamagitan ng malinaw at malalim na pag-unawa sa mga ideyang isusulat.
- Tiyakin na mapupukaw ang kawilihan ng mambabasa sa susulating lakbay-sanysay.
Basahin ang isang lakbay-sanaysay na naranasan ng isang manialakbay.
Tara na, Biyahe na Tayo!
Noong Agosto 20, 2016, nangyari ang isa sa mga hindi ko malilimutang karanasan sa paglalakbay sa Romblon kasama ang aking mga kaibigan. Ito ang unang karanasan ko na sumakay sa malaking barko. Maganda at maayos ang barko na aming sinakyan. Tamang-tama sa presyo—medyo mahal kompara sa ibang barko na mura nga subalit hindi gaanong maayos ang loob.
Ang barkong aming nasakyan ay may tatlong uri ng higaan para sa mga pasahero. Ang unang uri ay nasa itaas na bahagi at may mga higaang parang nasa pampublikong pagamutan. Pangalawang uri ay ang tinatawag na tourist, higit na maayos kaysa sa una. Pangatlong uri ay ang tinatawag na cabin na may sariling kuwarto ang mga pasahero. Naalala ko tuloy ang isang bahagi ng Noli Me Tangere, tungkol sa barko kung saan inilalarawan ang uri ng mga mamamayan sa lipunan, may mayaman, katamtamang buhay, at mahirap.
Nagsimula nang maglakbay ang barko sa amjng destinasyon. Matapos naming mailagay ang mga gamit sa aming lugar ay nagyaya ang mga kasama ko na umakyat sa itaas dahil maganda raw pagmasdan ang paglubog ng araw. Nang mga sandaling iyon ay malapit nang mag-agaw ang dilim at liwanag.
Medyo malakas ang alon kaya mararamdaman mo ang kaunting paghampas ng mga ito sa barko. Magkagayunman, napakasarap damhin at langhapin ang sariwang hangin habang minamasdan mo ang pagkulimlim ng araw sa paglubog nito. Hindi maalis sa isip ko na maihambing sa buhay ng tao ang paglubog ng araw. Isang pamamaalam o isang kamatayan ngunit may bukas na naghihintay. Sumasagi tuloy sa aking alaala ang mapait na kuwento ng aking kaibigang marinero.
Mahirap daw ang buhay ng isang marinero. Palaging nasa barko at lagi mong natatanaw ang paglubog at pagsikat ng araw. Ang pinakamahirap na kanyang naranasan ay ang pakikidaop sa kalikasan na parang nakikipagpatintero kay Kamatayan. Ang sigwa ng bagyo sa gitna ng laot ay hindi basta-basta kinakalaban. Tunay na matatawag mo ang lahat ng santo dahil bukod sa matatalim na kidlat ay masasagupa rin ninyo ang malahiganteng alon na sa sandaling magkamali sa pagpihit ng manibela ng barko ay mauutas ang buhay nang ganoon na lamang.
Napatigil ako sa aking pagmumuni-muni nang biglang nagsigawan ang mga tao. Tuwang-tuwa sila sa mga dugong na sumisisid pagkatapos ay pumapailanlang sa itaas. Grabe! Pati ako ay natuwa kung kaya’t kinuha ko ang aking cell phone at inabangan ang pag-ibabaw nilang muli upang mag-selfie kasama ng mga dugong. Wow! Ayos. Ang galing. Nakuhanan ko sila kasama ang aking sarili. Nice selfie.
Ilang oras pa ang lumipas at wala na ang mga dugong sapagkat ganap na ang dilim. Wala ka nang mamamalas sa gitna ng dagat kundi ang kadiliman. Kadilimang simbolo ng hungkag na buhay at baIt ng kalungkutan na larawan ng kawalang pag-asa.
Ayaw ko nang patagalin pa ang pagtitig ko sa kadiliman dahil naIulungkot ako. Ayoko ng malungkot na buhay. Ayaw ko sapagkat nananariwa ang mga alaala ng mapapait na kahapon ng aking buhay na minsan nang nasadlak sa gitna ng dilim.
Minabuti ko na lamang na ayain ang aking mga kasama upang magpahinga sa aming higaan sa gitnang bahagi ng barko.
Pagbaba namin, marami na ngang mga natutulog na pasahero at may iba namang nagkukuwentuhan. Ilan sa mga kasama ko ay nagkukuwentuhan habang nakahiga at paminsan-minsan ay nakikisall ako hanggang sa ako ay makatulog na.
Nagising na lamang ako dahil sa isang announcement na dadaong na ang aming sasakyan sa Romblon sa loob ng sampung minuto.
Sa wakas, bababa na rin kami at maluwalhating makararating sa aming destinasyon.