More

    Pagsulat ng Pinal na Sulating Pananaliksik

    Tandaang may tatlong bahagi ang sulating pananaliksik: ang introduksiyon, katawan, at kongklusyon. Mas maikli ang introduksiyon at kongklusyon kaysa katawan, sapagkat ang katawan ay binubuo ng mga bahaging tumatalakay sa iba’t ibang kaisipan. Bago mo isulat ang pinal na papel ay isaalang-alang mo ang sumusunod:

    Introduksiyon

    Ang introduksiyon ay maaaring maglaman ng sumusunod: maikling kaligiran ng paksa, layunin ng mananaliksik, pahayag ng tesis o thesis statement, kahalagahan ng paksa o kahalagahan ng pagsasagawa ng pananaliksik, at saklaw at limitasyon ng pananaliksik.

    Katawan

    Ang organisasyon ng mga ideya sa katawan ng iyong papel ay batay sa paghahati-hati ng mga ideya sa iyong panghuling balangkas. Kung kaya’t marapat lang na tiyaking nasa pinakamainam na ayos ang mga ideya sa iyong panghuling balangkas upang hindi ka mahirapan sa pagsulat ng iyong papel ng pananaliksik. Sa pagsulat ng katawan ng sulating pananaliksik, ipinapayong ayusin ang iyong mga ideya sa paraang makapagpapahatid ng kahalagahan ng aralin. Ang sumusunod ay mga suhestiyon kung paano mo maaaring simulan ang ka- tawan ng iyong sulatin:

      • Banggitin ang mga naunang pananaliksik tungkol sa paksa at ilahad kung ano ang hindi natalakay ng mga ito na tatalakayin sa iyong papel.
      • Ang kasalukuyang sitwasyon at kung ano ang mahalagang papel na gagampanan ng iyong pananaliksik tungkol sa sitwasyong ito.
      • Ang mga naunang mga pangyayari o kasaysayan ng iyong paksa patungo sa mga kasalukuyang pangyayari.

    Depende sa kalikasan ng iyong papel, maaari mong sundan ang iyong mga tinalakay ng mga artikulo mula sa mga mapagkakatiwalaang sanggunian o iba pang mga pananaliksik na sumusuporta sa iyong pahayag ng tesis (thesis statement) o puntong nais patunayan sa bahaging ito ng iyong papel. Kung ikaw ay nangalap ng datos marapat na ilahad mo kung paano mo kinalap ang mga ito at kung ano ang resultang iyong nakuha maging ang obhetibong interpretasyon mo sa mga ito.

    Sa pagsulong ng katawan ng iyong papel, mas mabuting naka-grupo ang iyong mga ideya na magkaugnay sa isa’t isa. Mas mabuting gumamit ng headings upang pagpangkat-pangkatin ang mga ideyang ito. Tiyaking lohikal ang pagkakasunod-sunod ng mga ideya upang mas maging malinaw ang daloy ng paglalahad ng ideya. Kailangan ding gumamit ng mga salitang transisyonal upang hindi magmukhang putol-putol o magulo ang iyong paglalahad.

    Kongklusyon

    Ang pagsulat ng kongklusyon ay paglalagom at pagdidiin ng ideya. Samakatwid, hindi na natin ito makikitaan ng mga panibagong ideya o datos. Bagkus ito ay nagpapahayag ng sintesis, ebalwasyon, o paghatol ng mananaliksik sa mga impormasyon at datos na kanyang nakalap na maaaring sumuporta o hindi sa kanyang pahayag ng tesis o thesis statement na nakasaad sa introduksiyon.

      • Buod ng mga pangunahing ideyang nilinang sa katawan ng pananaliksik
      • Sipi o anumang pahayag na bumubuod sa papel
      • Pagbalik sa mga kaisipang tinalakay sa introduksiyon

    Huwag kalimutang ilahad ang resulta ng pananaliksik.

    Sa pagsulat ng kongklusyon, pagpasiyahan kung anong estilo ang nais gamitin. Maaaring balikan ang mga ideya sa introduksiyon at ilahad ang buod kung paano ito nilinang. Maaari ding ulitin ang anumang imahen, tayutay, o talinghagang ginamit sa introduksiyon. Siguruhing naisasakatuparan nito ang layunin ng sulating pananaliksik na matatagpuan sa introduksiyon. Ito ang magiging sukatan kung naging epektibo ang iyong pananaliksik. Depende sa pangangailangan, maaaring isama ang rekomendasyon sa bahaging ito.

    - Advertisement -
    RELATED CONTENTS
    - Advertisement -
    POPULAR FROM THIS CATEGORY
    - Advertisement -