Ewan kung bakit lagi kong naaalala si Noel ngayon. Madalas kaming magkasama sa mga paglalaro noong mga bata pa pero sa high school ay nagkaiba kami ng paniniwala at nagkalayo. Si Noel ay puro pangarap, hindi nakatuntong sa lupa, samantalang ako’y praktikal, kung ano ang puwede, *yun lang ang bibigyan ko ng panahon. Kung may nag-uugnay man sa amin, ”yun siguro ay ang pangyayaring sa high school ay pinakamimithi ko ang maging valedictorian dahil wala akong pantuition sa college pero sa tulong ni Mrs. Felicidad na titser namin ay tinalo ako ni Noel. Iyon lang. Pero ngayo’y kung bakit di makatkat sa isipan ko si Noel.
Kapag mga gabing alumpihit ako sa higaan, bumabangon ako’t kinukuha ko ang lumang larawan ng aming graduation noon. Iniisa-isa ko ang mga kilalang mukha: mga mukhang pinagtawanan ko’t mga mukhang kinahabagan, mga mukhang kinaibiga’t mga mukhang nilayuan. Si Bert. Si Ana. Si Rosita. Si Mrs. Felicidad at ang di-mapalis niyang ngiti. At ang dalawang bakanteng upuan sa magkabilang tabi niya: isa para sa valedictoriang si Noel na di nakasama dahil sinumpong ng sakit sa puso ang ina, at isa para sa akin, ang salutatorian, na nagkukulong sa kuwarto, pinupunit ang Christmas card na bigay ni Mrs. Felicidad. At ngayon, ngayo’y kung bakit di ako matahimik.
Kung ikukuwento ko ngayon lahat ng mga nangyari mula nang grumadweyt kami sa high school hanggang sa masunog ang kabuhayan nina Noel, at maging hanggang sa pumunta silang mag-ina dito sa Maynila at magkasira-sira ang buhay niya, idiriin ko pa rin at ipagpipilitan ang katototohanang malinis ang konsensiya ko, na wala akong gustong ihingi ng paumanhin sa nakalipas. Gusto ko lang bigyang halaga at ilahad ang katotohanan, ang mga talagang nangyari. Iyon lang.
Sapagkat si Noel ay si Noel lamang kung susuriing kasama ni Mrs. Felicidad, sisimulan ko ang pagsasalaysay sa pamamagitan ng pagpapakilala sa aming titser. Saka na si Noel.
Unang sulyap ko pa lang kay Mrs. Felicidad noong fourth year ay alam ko nang may mali sa kanya. Lagi siyang nakangiti. Laging nakahanda ang mga bisig para yumakap, o ang mga salita para magpalakas ng loob mo. Pag may nadapa, o nasaktan, o umiyak, o nalita, naroon siya agad para sabihing walang problema ‘yan, anak, lilipas din.
Walang problema sa mundo para sa kanya. Walang kulay na itim, walang anino sa dilim, walang panganib. May Christmas card siya para sa lahat ng okasyon. Nakatira siya sa isang mundong puno ng mga nagkukulilingang kampana, at mga bulaklak na di nalalanta. At tinali niya kami sa loob ng mundong ito. Matagal na kaming nasa Maynila’y kami pa rin ang lagi niyang ikinukuwento sa kantina tuwing recess, ang paborito kong klase, sasabihin niya, ang aking klase. Ang tawag niya sa ami’y Sisenta’y Tres dahil noon kami grumadweyt. Tinatakan niya kaming parang mga ari-ariang mapahalo man sa magulong galaw ng buhay sa mundo’y mananatiling kanya, maayos na nakasalansan sa alaala. Gano’n niya kami kamahal.
Siya rin ang sumira sa karamihan sa amin. Di ko sinisisi si Mrs. Felicidad pero naroon ang katotohanan, at dapat iyong harapin, masira man nang bahagya sa alaala ng isang yumaong naging lubhang napakabait. Ang naiibang paghubog niya sa aming mga isipan ng isang mundong ayon sa kanya’y laging maayos at puno ng mga taong mababait ang dahilan kung bakit nang mapaharap na kami sa mga katotohanan ng buhay sa Maynila ay marami sa amin ang nawasak. Nang grumadweyt kami’y binigyan niya kami ng mga pakpak pero ang mga pakpak ay gawa sa bulak.
Pero pinipilit ko siyang unawain. Noong una siyang dumating dito sa ami’y nag-iisa lang siya sa buhay, may singkwenta anyos na, at walang nakakaalam kung ano ang tunay na pangalan, kung totoo ngang may asawa siya. Mrs. Felicidad, basta’t Mrs. Felicidad. Tatayo siya sa may bintana ng classroom, hahagurin ng kamay ang buhok, at saka malungkot na titingin sa malayo. Pero pag binati’y ngingiti agad pagharap. Minsa’y may kumalat na tsismis tungkol sa kanyang nakalipas. May nangyari daw napakasama noong dalaga pa siya’t bago lang sa pagtuturo – parang tungkol sa mga batang estudyante niyang nag-drugs at tumambang sa kanya sa eskinita isang gabi at ginahasa yata siya, o pinahirapan lang, di malinaw ang mga detalye. Pero dahil daw doon ay ilang buwan siyang nagkulong, ilang beses nagtangkang magpakamatay. Matagal siyang di nakita ng mga kaibigan at nang lumabas uli, at magturo uli, nag-iba na siya. Siya na si Mrs. Felicidad ng di mapalis na ngiti.
Walang nakatitiyak kung totoo nga ang kuwento. Gusto kong lapitan si Mrs. Felicidad nang marinig ko ang kuwento, gusto kong sabihin sa kanyang Ma’am, naaawa ho ako sa inyo, hayaan n’yong yakapin ko kayo. Pero walang mapangahas magtanong sa kanya kung totoo nga. Ang sigurado lang ang lahat, noong fourth year kami, sinabi ng doktor kay Mrs. Felicidad na kapag di siya tumigil ng pagtuturo’y mapaparalisa siyang tuluyan. Kaya inipon niya lahat ng lakas niya at sinabi niyang isang taon na lang, pagkakasyahin niya sa isang taon lahat ng pagtuturo niya. Kami sa Klase Sisenta’y Tres ang isang taon niyang iyon.
Kami ang sinikil niya sa kanyang huling pagmamahal. Habang nagbabasa ng Mi Ultimo Adios ni Jose Rizal ay mapapatigil siya, at mapapatingin din kami lahat sa kanya, at sa katahimikan ng sandaling iyon habang walang maski anong ingay ay pararaanan niya kami isa-isa ng nagmamahal na tingin, lahat kami’y pilit hinihigop ng kanyang mga mata. Pero si Noel ang higit niyang hinubog sa kanyang pagmamahal. Bawat gawin niya – mag-check ng test paper o pumingot sa’kin pag nahuli akong nangungopya – ay nagwawakas lagi sa pagbaling niya ng pagmamalaking tingin kay Noel. Banggitin mo anumang aklat, nabasa na ni Noel! O maski anong salitang Ingles, alam niya ang kahulugan! At sino na nga ang laging nakakatanggap ng medalya bilang pinakamatulunging estudyante, sino? Sapagkat si Noel–si Noel na noong gabi bago kami binigyan ng exams para alamin kung sino talaga sa amin ang dapat na maging valedictorian ay magdamag na tinulungang mag-aral ni Mrs. Felicidad, ang laki sa yamang si Noel na walang alam kundi magbuklat ng libro, si Noel na laging napapaligiran ng nagpapaturong mga kaklase’t naghahagikgikang mga babae habang ako’y namumula sa isang tabi–si Noel ang obra maestra ni Mrs. Felicidad.
Itinatali sila ng isang klase ng relasyong di mo mawari, guro sa estudyante, kaibigan sa kaibigan, mentor sa apprentice. Kapag recess at walang tao sa classroom, sisilipin ko sila, at makikita kong may sinasabi si Mrs. Felicidad kay Noel, pabulong lang, at si Noel ay nakayuko. Anong ginagawa nila? Saang magagandang sulok ng mundo sila naglalakbay? Bakit hindi nila ako isinasama?
Ngayong nakuha ko na halos lahat ng pinangarap ko noon, at wala na akong mairereklamo pa sa buhay, namamaalam ako sa gabing iyon ng pagkapahiya habang itinatago ko ang namumulang mukha sa kaliwang kamay at ipinapaliwanag naman ni Mrs. Felicidad kung bakit di niya ako mapagbibigyan sa kahilingan kong gawin akong valedictorian dahil di ko kaya ang tuition sa college. Alam kong sa isang tagong sulok ng Maynila, habang nag-iisa sa kanyang mabahong kuwarto, ay pinasisimulan ngayon ni Noel ang gabi sa pagsimot sa mga nagkalat na durog na tinapay sa mesa, at di ko maiiwasang di paghambingin ang dalawang Noel na nakilala ko: ang malusog na Noel na noong graduation ay buo ang paniniwalang ilahad lang niya ang makinis na palad ay luluhod na ang buhay sa paghahain ng tagumpay sa kanya, at ang naghihirap na Noel sa isang araw noon ay di makakatiis, hahanapin ako, ipapatong ang butuhang kamay sa balikat ko, at makikiusap, Jun, di siya makatingin, Jun, kailangan ko ng trabaho.
Bakit, anong nangyari? bulalas ko noon, maski di na ako dapat magtaka dahil lahat halos ng nangyayari kay Noel ay nababalitaan ko. Bakit, anong nangyari?__ilang taon pa mula noon ay naghihinanakit na itinatanong din ng mamamatay nang si Mrs. Felicidad: habang kaming mga estudyante niyang pinagwatak-watak ng graduation sa mga sulok at siwang ng magulong Maynila ay muling napag-isa-isa, nagkaipun-ipon isang dapithapon, – hiklas na ang piring ng kamusmusan sa mga mata, may mag-aabugado at maestro at istarlet at magduduktor na, nakatayong lahat sa harapan niyang ang mamad na mga labi’y nagtatanong—bakit, anong nangyari?-sapagkat nakita na niyang si Noel na higit niyang inasahang magtatagumpay ay nasa paanan niya ngayon, tutop ng palad ang bibig habang niyayanig ng di-mapigil na pag-ubo ang payat na katawan, larawan ng kabiguan.
May mga hapong wala akong magawa dito sa opisina, at sa gayo’y binabalikan ko ang gabing iyon nang unang lumapit sa’kin si Noel. Alam ko kung bakit hindi sa aming mga kaklase siya lumapit. Sa klase namin noo’y ako lamang ang hindi bimilib sa kanya, kaya kapantay niya ako. Kung sa mga kaklase namin siya lalapit ay para na ring sumuko siya at mababawasan ang pagpapahalaga niya sa sarili.
Sapagkat kung may maipipintas ka man kay Noel, ito’y ang kanyang sobrang pagpapahalaga sa sarili. Natupok na nga ng sunog ang kabuhayan nilang mag-ina’y taas noo pa rin, akala mo’y walang anuman ang nangyari. Pumunta silang mag-ina ng Maynila nang walang nakakaalam, tumalilis sa dilim. Noong mga unang tao’y pasulpot-sulpot lang ang mga balita naming tungkol sa kanila–sa Pritil daw, nagtitinda ng mga tsinelas at bag. Sa UE daw, nag-aral nang tatlong semester saka nag-drop out. Sa Quiapo daw, nagbebenta ng lansones, pero baka di naman sila ‘yun.
Ngayo’y heto sa harapan ko si Noel. Anong nangyari, Noel? tanong ko, saka yumukod akong konti, sinipat ang dulo ng drawer ng mesa ko. May kumakaluskos doon. Baka daga. Kung bakit naman kayrami ng mga pesteng dagang di ko mapaalis sa opisina ko.
Hindi na mahalagang sabihin ko pa kung paanong pagkatapos ng mahabang sandaling pagpapatumpik-tumpik ay napagkuwento ko rin si Noel. Ang isinalaysay niya’y ibibigay kong buung-buo, walang dagda walang bawas: pagkababait daw ng mga kamag-anakang pinakituluyan nilang mag-ina dito sa Maynila. Maging nang tuluyang mamatay ang ina niya’y wala raw bukambibig ang mababait nilang kamag-anak kundi talagang ganyan, iho, una-una lang, pero di ka naman namin pababayaan. Pagkababait daw nila. Parang si Mrs. Felicidad.
Hanggang isang hapo’y may mahalungkat siya sa baul ng kanyang tiya: sa isang notebook, nakalista, kuwentadong-kuwentado hanggang sa kahulihulihang sentimong ibinili ng kandila, ang mga nagastos ng tiya niya sa libing ng kanyang mama. Nang gabing iyo’y dala ang balutan ng damit na lumayas si Noel.
Ayokong maniwalang may mga tao ngang magpapahirap sa sarili, gagawa ng mga ginawa ni Noel, huwag lang mawasak ang maling mga paniniwala sa buhay, pero eto si Noel sa harapan ko, dala-dala pa rin ang mga hindi reyalistikong paniniwala sa buhay, humihingi ng tulong. At dito pa ma’y mapapatunayan ko na, maski kanino, na wala akong itinatagong hinanakit. Sa halip na sabihin sa kanyang ba’t di ka lumapit sa mga kaklase nating tinutulungan mo noon ay inakbayan ko pa siya, at kinabukasan, maski alam kong di siya sanay magtrabaho’t nakakahiya sa ama ng girlfriend ko ay ipinasok ko siyang tagahain ng karton sa bunganga ng makina sa aming pabrika. Iyon ang trabahong alam kong babagay sa kanya.
Sapagkat naiintindihan ko siya. P—-, naghirap din ako. Matapos ang graduation ay nagtrabaho na ako dito sa Maynila. Kaya alam ko ang nararamdaman ni Noel. Tatlong beses akong natigil sa pag-aaral. Noon na lang magka-girlfriend ako, at pag-aralin niya ako, saka ako tuluy-tuloy na nakapagtapos. Pero lahat iyan ay pinagtrabahuhan ko. Ayokong kumakabig nang di tumutulak.
Hindi gaya ni Noel. Sa kanya kung may ibibigay ay ibigay nang ibigay. Hindi nagkukuwenta, hindi praktikal. Hindi mo ba pinipili ang tinutulungan mo? tanong ko sa kanya minsan. Hindi, sagot niya, saka nagpatuloy sa pagpapatugtog ng plaka. Naiiling na lang ako. Si Noel, iharap mo lang sa musika, maski ilang araw ay di titinag, pagbalik mo’y nandoon pa rin. Ako, wala akong panahon. Ang musika’y pampalambot ng puso at isipan. At ayoko sa mga lalambut-lJlambot, ayoko sa mga nakangangang mukha, nakatangang mata. Ayoko sa mga dumaraing. Kaya kumulo ang dugo ko nang tumulong si Noel mamuno sa welga sa aming pabrika. P——, sabi ko noon. Jun, aniya, tratong busabos ang mga manggagawa, makakatiis ba akong di sila tulungan?
E kaya mo bang tumulong? Paasik na ako. Ipapahamak mo ko niyan sa ama ng girlfriend ko e!
Para siyang sinampal. Napayuko’t itinago ang mukha sa palad. Naawa ako. Pinisil ko siya sa balikat at naalala ko ang isang ikinuwento niya sa’kin.
Minsan daw sa pabrikang dating pinapasukan, isang limahid na pipi ang kumatok, paturu-turo sa bibig. Gaya ng dapat asahan, pinapasok naman ito ni Noel at isinalo pa sa pagkain. Matatapos na silang kumain nang may kumalabog at bago nakakibo si Noel ay tumilapon na sa lupa ang plato nila ng tuyo’t nagsasalita na ang pipi, nag-uutos na ituro ni Noel kung saan nakatago ang pera ng pabrika. May iba pa itong mga kasamang pumasok. Kinuha nila ang mga pera’t binugbog si Noel. Duguan siyang natagpuan sa may kanal. Pero nagtanda ba siya? Ilang araw makaraan ang nangyari ay sinabi niya sa mga kakilalang siguro’y nagigipit ang mga nangholdap, siguro’y nagugutom. Si Noel na hangal!
Pero tama ang ginawa ko, Jun, maski si Mrs. Felicidad ay magsasabing tama ako. Nangangailangan ng tulong *yung tao…
Sobra kang matulungin sa maling paraan, sagot ko, at sa maling panahon.
Pero kung pati pagtulong ay aalisin pa natin sa tao, ano pa ang matitira sa kanya?
Gusto kitang tulungan, Noel, aniko sa kanya, noon, sa pagkakayuko niya, pero kelangang itigil mo ang pagtulong mo sa welga.
Tiningala niya ako, at ang sinabi niya, hanggang ngayon kapag sa bus ay walang kibo akong nakamata sa isang bakanteng upuan sa unahan ko, ay umaalingawngaw pa sa alaala ko. Jun, basag ang litong tinig, Jun, ba’t ibang-iba kayo sa’kin?
Maaaring isiping na-promote ako nang sumunod na linggo dahil sa ginawa kong pagputol sa welga: sinisante ko si Noel at sa kuwarto niya’y wala akong nadatnan kinaumagahan kundi sulat ng pasasalamat sa ibabaw ng nakalamukot na kumot. Pero malinis ang budhi ko, sa palagay ko, at maski ang mga kaklase naming noon, nang isang hapo’y magawi sila sa opisina, ay nakiayon sa’kin. Ang isang kagaya ni Noel kabait, sabi nila, ay para lang sa classroom, di para sa mundong ito ng walang hanggang pakikipagsiksikan at pakikipagtapakan. Di matanggap ni Noel, dagdag pa nila, na ang mga patakaran sa libro ay hanggang libro lamang.
Sabagay ay di lang si Noel ang inabot ng sakuna sa buhay, sabi nila. Marami pa sa mga kaklase namin: si Marita na hanggang ngayo’y nakakulong sa walang tigil na pagpunas ng pasamano ng mga bintana ng isang malaking hotel, nangangarap na balang araw ay makasali rin siya sa pulutong ng mga nakamagarang-bihis na babaing naglalakad sa lobby; si Nilo ng isang gabi’y umuwing walang kibo sa dormitoryo, nagsuot ng barong Tagalog, naglinis ng sapatos, nagpabango, naglagay ng rosas sa dibdib, saka uminom ng lason habang katabi’y sulat na nagsasabing gusto kong mamatay na maganda sa tingin; at si Dina, dalawang buwang kasal pa lang ay ikinulong na ng asawa sa banyo; si Diego na nahuling nagpapasok ng kontrabando sa customs; si Jose na lapitan mo’t amuyin, amoy di-nahugasang sahig ng mental hospital dahil ayaw daw sa katre matulog. Sino ang mali, sino ang nagwasak? Mahabang listahan sila ng mga kawawa naming kaklaseng paglabas ng classroom ay nanibago sa kakaibang patakarang nagpapatakbo sa mundo.
Saka ibinalita nila, si Mrs. Felicidad, nabalitaan mo na ba, sabi ng doktor dito’y ilang buwan na lang ang itatagal ng buhay.
Napatanga ako, parang gusto kong maiyak pero pinigil ko, saka sabi ko, mag-reunio tayo, para maski for the last time ay makapagpaalam tayo kay Mrs. Felicidad.
Isang buong araw bago ako umuwi ng probinsya ay hinalukay ko ang Maynila sa pamimili ng mga pasalubong, at sa paghahanap ng ewan ko kung ano. Natagpuan ko na lamang ang sarili kong napasuot sa mga tagong sulok, sa mga palengke’t pabrika, sa mga lugar na karaniwang pinupuntahan ng mga naghahanap ng trabaho.
Ba’t di mo hanapin si Noel para maisama siya sa reunion, mungkahi ng isang kaklase nang malamang naglilibot ako. Oo nga ano, sagot ko. Madalas daw mapagkikita si Noel sa Luneta. Luneta? Anong ginagawa niya sa Luneta? Lugar iyon ng mga walang matulugan, ng mga call boys at call girls, ng mga nagdedebateng buwang at mga manggagantso.
Ilang gabi akong naghalughog sa Luneta. Sabi na’t imposibleng mapunta sa ganoong lugar si Noel. Saka muntik akong mapangiti sa di maitagong tuwa.
Mga paa ang una kong nakita. Malilinis at maliliit na mga pasng nakatsinelas na goma. Nakahiga sa sementadong bangkito, bahagyang natatakpan ng knapsack. Dumako ang tingin ko sa natutulog na mukha. Si Noel nga. Maingat siya sa mga paa, parang mga paa ng sanggol, at hanggang ngayon sa panahon ng paghihikahos niya’y alaga pa rin ang mga paa. May kalahating sandwich sa tabi ng ulo niya. Nakayakap siya sa dibdib. Niyugyog ko siya. Sobra siyang pumayat, puro buto ang nahawakan ko. Nagising siya. Noel, sabi ko kaagad, sorry sa nangyari sa pabrika noon, kumusta ka na? Humingi agad ako ng tawad dahil gusto ko sa tao, pag mali siya, aaminin niya, pag di naman siya mali, ipaglaban niya.
Pagkakita sa aki’y saglit siyang napanganga, parang naputol sa gitna ng pananaginip, di makapaniwala, saka napahawak ang kamay sa noo, saka tuluyang napahagulgol, di ko akalain, sunud-sunod na hagulgol na maingay, ang lalampa-lampang si Noel, nagngunguyngoy habang pinagtitinginan kami ng mga nagdedebate at naglalako, at sinasabi ng isang di makatulog na pulubi, shhh, huwag kayong maingay. Di ko malaman ang gagawin. Sa lahat ng ayaw ko ay ang umiiyak, lalo na sa lalaki. Halos hilahin ko si Noel papunta sa kotse.
Sa bahay ay pinakain ko siya nang marami nang madaling araw na iyon pero di siya makakain dahil nanginginig ang buong katawan. Sige, pilit ko, sumubo ka nang marami, kailangan mo. Sumubo nga siya nang marami, sunud-sunod, hinahabol ang maraming araw ng pagkagutom, saka tumakbo sa banyo at nagduduwal, iniluwa lahat ng kinain. Sa lahat din ng ayaw ko, iyong dumuduwal nang may ingay.
Nang bumalik siya’t kumain uli ay saka ko napansin, sa binti niya, meron siyang malaking sugat na nagnanana na. Gamutin natin, sabi ko. Huwag na, sabi niya, malapit nang gumaling. Di pa rin mapigilan ang panginginig ng kanyang katawan kaya inalok ko siya ng kumot. Umiling siya, hanggang ngayo’y talagang mahirap tulungan. Saka bago ko nasakyan, nagsalita na siya, nagkukuwento tungkol sa naging buhay niya.
Hindi pa rin nawawala ang musika. Karugtong na siguro iyon ng buhay niya, gaya ni Mrs. Felicidad. Kapag mga gabing nagugutom daw siya’t walang makain, pumupunta lang siya sa mga karideria’t nakikinig sa jukebox, o kaya’y sa Concert at the Park sa Luneta. Ilang minuto pa’y nasa mundo na uli siyang walang problema, walang masama, walang mga nagugutom.
Ang totoo’y marami siyang problema. Ilang beses siyang napatalsik sa trabaho dahil hanggang ngayon, maski sino ay papapasukin, maski magnanakaw. Ganoon din sa mga pinakitirahan niya. Pinalayas siya dahil maski sino ay pinapapasok. Tumigil na rin siya sa pagsali sa mga strike at demonstrasyon dahil di maintindihan ng mga kasamahan. Mabait at mabuti siya maski sa mga pulis, sa mga scabs, sa mga kaaway. Hindi marunong tumingin kung sino ang kaibigan at ang kaaway. Kung ano ang itim at puti. Para siyang musika, pakinggan mo lang nang pakinggan hanggang masanay ka’y wala nang masama.
Ang mundo niya ngayon ay mundo ng mga taong panggabi. Di raw niya maipaliwanag pero hinahanap-hanap niya ang mga tao sa dilim, mga taong nagpupuyat sa harap ng tasa ng kape sa isang ayaw magsarang bar, mga p—– naghahanap ng mahihila sa likod ng punongkahoy, mga tinedyer na walang mauwian at walang mapuntahan, mga matang inaantok pero ayaw pumikit, mga paang ayaw tumigil, mga katawang ayaw mahiga. Mas gusto ko ang hatinggabi, Jun, sabi niya, dahil ang mga hatinggabi ay parang laging walang katapusan.
Nagpatugtog ako ng plaka–mga lumang kanta ni Frank Sinatra tungkol sa mga kaluluwang umiiyak sa gabi, paborito nila pareho ni Mrs. Felicidad. Lumabas ang pasasalamat sa mukha niya. Kung iiwan ko siya sa pagkakaupo sa sulok ng silid habang nakikinig, maski isang araw, isang linggo, isang buwan ay di siya aalis doon. Pero nilapitan ko siya, at sinabi ko, Noel, brod – noon ko lang siya uli tinawag ng brod mula noong high school-may pupuntahan tayo sa Martes. Uuwi tayo ng probinsya. May sakit si Mrs. Felicidad.
Ayaw niya.
Ayaw mo bang makita ka niya bago siya mamatay?
Mas magiging malungkot lang ang pagkamatay niya kung makikita niya ako, Jun.
Akala ko ba’y mahal mo siya?
Oo, sagot niya. Saka di na kumibo. Alam ko ang iniisip niya. Ipinagtapat niya sa akin na buong panahon ng paglagi dito sa Maynila’y sumusulat siya noon kay Mrs. Felicidad, pinalalabas na maayos ang tayo niya. At maski noong ibalita na ng iba naming mga kaklase sa bayan namin ang tunay na nangyari kay Noel, pinili pa rin ni Mrs. Felicidad ang mas maniwala sa mga sulat ni Noel. Ayaw ni Noel na masira ang ilusyon ni Mrs. Felicidad. Gusto ko lang makumpleto ang Sisenta’y Tres bago mamatay si Ma ‘am, sabi ko. Lahat sa’kin, Jun, e nasira na. lisa na lang ang buo sa’kin, at *yan ay ang paniniwala sa’kin ni Mrs. Felicidad. Pati ba naman *yun e sisirain ko pa?
Nagsususpetsa kaya siyang gusto ko lang siyang isama dahil gusto kong ibando sa buong eskuwelahan, eto ang obra maestra ni Mrs. Felicidad, ang bida ng Sisenta’y Tres, ang valedictorian n’yo, nasira? Samantalang ako, ang binasta-basta n’yo noon, ang hamak na salutatorian, eto.
Pero wala akong ganoong hangarin. Gusto kong linawin ngayong wala akong itinatagong hinanakit kay Noel, o kay Mrs. Felicidad. Ang totoo’y sumusulat pa nga ako kay Mrs. Felicidad, kaya alam ko, sa mga sagot niya sa akin, na hanggang ngayon ay di pa nagbabago ang Tagalog niya, pagtatapos pa rin ang ginagamit niya sa halip na graduation, at liham sa halip na sulat. Sa mga sulat kong iyon ay lagi kong sinasabing mabuto ang kalagayan ni Noel, balita ko, bagamat di ko naman siya nakikita.
At maging nang aksidenteng makita ko dito sa Maynila si Mrs. Perez at mabanggit ko sa kanya ang nangyari kay Noel – kung bakit sa tsismosa pang si Mrs. Perez – ay pinapangako ko itong huwag na huwag ikakalat ang balita tungkol kay Noel. Ayokong pagtawanan nila si Noel.
Kaya lumapit akong malapit na malapit kay Noel, pinipilit pa rin siya, pinupuno ng usol ng sigarilyo ko ang hangin sa ibabaw ng mukha niya. Hinigop niya ang paghinga, saka muli siyang niyanig ng pag-ubo, pag-ubong parang ibang klase na, kaya tinandaan ko sa sariling pakukuluan ko ang mga pinagkanan niyang plato at ininumang baso. Nagpatingin ka na ba? tanong ko. Umiling siya. Ipapagamot kita, alok ko, sa isang kundisyon, sasama ka sa’kin ke Mrs. Felicidad.
Di siya kumibo pero kinaumagaha’y wala na siyang tigil sa pagkukuwento tungkol sa mga buhay namin noong high school; nagpapatugtog ng mga lumang kanta at patingin-tingin sa aming lumang retrato noong graduation at ngayo’y nagsisisi na siya kung bakit bakit di nakasali noon.
Kinatanghalian, nang sabihin ko sa kanyang magsuot lang siya ng amerikana ko’t mag-sunglasses ay di na mahahalatang may sakit siya, matagal siyang yumuko, saka sinabi niya sa mababang tinig, sasama na kaya siya.
Ang pagdalaw ng buong Sisenta’y Tres ay parang isang seremonya ng pagbibigay-galang kay Mrs. Felicidad. Nakalubog halos siya sa mga blangket at unan sa higaan, isang munting katawang kaytagal din bago naigupo ng sakit. Maging ang palagiang ngiti niya’y wala na rin ngayon.
Pero nang magmulat siya ng mga mata, nang makita niya kaming nakahilera sa paanan ng higaan; mag-aabugado at maestro at istarlet at magdodoktor at… o, walang kahulilip na kaligayahan para sa kanya na akala mo’y isang ina noong sa graduation namin ay nagsabing, Sige, mga anak, sulong kayo’t inihanda ko na kayong lahat sa loob ng isang taon para sa pagsusulit ng buhay.
Di niya naisip kung saan siya nagkulang; para sa kanya, kaming lahat ay naipasa niya. At lalaging kompleto. Maski mahigit lang kaming sampu noon, maski marami ang di nakarating. Dahil maski iilan kaming bumalik, maski sa paglipas ng mga taon ay pakulang nang pakulang maging ang bilang ng mga dadalaw sa kanyang libingan, hanggang sa maging isa ma’y wala na rin marahil makaalala, para sa kanyang sobrang hangal na paningin, kami nina Sisenta’y Tres ay lalaging tatlumpu.
Naaawa ako sa kanya. Maski sa kamataya’y hinahanap pa rin niya si Noel. Naroon nga si Noel: naka-amerikana ko, nakasalaming de-kolor ko, naka-relos ko, naka… Si Noel, ang kanyang si Noel!
Saka nagbabalita na si Noel, at bihag uli kami, kung bakit noo’y pati na rin ako, ng mga salita niya: nasa classroom uli kami ng kahapon, wala nang magdodoktor o istarlet o maestro o mag-aabugado, mga musmos na muling hinihigop ng paghanga kay Noel! Kung bakit pati ako! Sabihin mo maski anong libro, nabasa iyon ni Noel! O maski ano kayang salitang Ingles, alam niya ang kahulugan! At sino nga ba ang lagging nakakatanggap ng medalya ng pagkamatulungin? Ha, sino?
Naglalaro kami sa loob ng silid, nagkukunwaring ang mga katotohan ng magulong buhay sa labas, na kagaya ng pagkabigo at pagkagutom at pagkawasak ng mga pangarap, ay pinaglubid-lubid ng mga kasinungalingang nakatrinis. Nagniningning na muli ang mga mata ni Mrs. Felicidad. Humahalakhak na ngayon si Noel habang ang kamay kong may sigarilyo’y nakaakbay sa kanya.
Humahalakhak na nga si Noel, malakas, malakas, papalakas, napakalakas, hanggang sa maudlot siya pagdaluhong ng usok ng aking sigarilyo sa kanyang ilong, at mapasaklot ang kamay niya sa lalamunin, saka sasalin siya ng ubo, ng walang katapusang pag-ubo, malakas, papalakas, napakalakas, hanggang sa ang buong bahay sa pakiwari naming ay inuuga na ng kanyang pag-ubo, hanggang sa ang munting daigdig ng pagkukunwaring aming pinaglalarua’y wasakin ng kanyang pag-ubo, at maging mga mag-aabugado at maestro at istarlet ay magdodoktor uli kami lahat sa harap ng mamamatay nang guro.
Aalisin ni Noel ang sunglasses para pahiran ng likod ng kamay ang mga mata. Saka mapapaudlot siya: nakatingin sa kanya si Mrs. Felicidad, puno ng pagkaunawa, nananarok, ang mga mata. Malalaman niya, ni Noel, na bago pa man siya pumasok sa kuwartong iyon ay naikalat na pala ni Mrs. Perez–talagang ang tsismosang iyon!—ang balita tungkol sa mga nangyari sa kanya. At ako, kung bakit di ko naisip agad, kung bakit napakahangal ko: ang pagdala ko kay Noel sa silid na iyon, at ang pagpipilit naming magkunwaring asensado siya’t mahusay ang kalagayan sa likod ng amerikano at relos at sunglasses ko!-ang lahat ng ito ay isang pagpapatunay lamang sa aming mga kaklase’t guro ng katotohanan ng mga napabalita nang tsismis noon. Kanina pala, nang magkuwento si Noel, kami lang dalawa ang muling nabihag ng kahapon: ang mga kaklase namin at si Mrs. Felicidad ay puro pala nagkunwaring walang nalalaman sa nangyari kay Noel, maski na ang mga mata nila’y puno ng pagkaawa, at ng pagtatakang kung bakit, kung papaanong nagawa ni Noel ang umuwi pa’t magpakita. At tama sila. Kung may huli mang hataw ng pamalong tuluyang gugupo at wawasak sa katuhan ng isang may mataas na pagpapahalaga sa sariling kagaya ni Noel, iyon ay ang matagpuang nakakulong siya, napapalibutan siya ng mga matang naaawa ng mga dating kaklase.
At kaming lahat sa kuwarto ay nagmistulang tuod na wala sa lugar sa isang makabagong larawang ipininta; at ako’y walang makita sa aking isipan kundi ang nakabaling sa aking mukha ni Noel, larawan ng biglang pag-ahon ng pagtataka. At ang piping tanong: Bakit? Ba’t mo ako dinala rito, Jun?
At sa labas, nagsisimula pa lamang lumatag ang dilim pero sa dapithapong iyon ng aming pagbabalik, sa dapithapong iyong di magtatagal ay tatagurian ng mga kaklase kong ikalawa naming pagtatapos, naisip naming kung bakit madilim, kung bakit napakadilim.
At isang hatinggabing galing ako sa disco, mga buwan mula noon ang makalilipas, sa isang bus ay makikita ko sa pinakahuling upuan ang isang payat na katawang sa matinding antok at pagod siguro’y napadukmo na lamang sa pasamano ng bintanang uuga-uga habang ang di-naipagugupit niyang buhok ay ipinaghahampasan ng malamig na hangin. Kahawig niya si Noel, pero matatakot akong magkamali. Mula nang magkahiwalay kami noon sa libing ni Mrs. Felicidad ay di ko na siya makikita, at maiisip kong maaaring nagbago na siya. Kaya hanggang sa bumaba sa bus ay di ako magkakalakas-loob na sinuhin ang natutulog. Bagamat maiisip kong kung si Noel nga iyo’y maaarinig galing siya sa isang panggabing trabaho. Nakatulog marahil sa antok at pagod. Pero wala akong magagawa kundi ang patiyad na tanawin ang papalayong bus, dala-dala ang nakadukmong ulo sa bintana, hanggang sa tuluyang lamunin iyon ng dilim, at maiwan akong nag-iisa sa kalsada.
At isang bagay mula noon ang di ko maliliwanagan sa sarili ko: kung bakit lagi kong mapapanaginipan si Noel at si Mrs. Felicidad, lalo na si Noel. Di ako patatahimikin ng kanyang larawan. Nanakawin niya ang katahimikan ko. Sa gitna ng gabi’y lagi akong maaalimpungatang pagising, hihingal sa dilim, at habang nakakunot-noo’y maaalala ko ang lagi kong napapanaginipan; si Mrs. Felicidad, na di makaiyak ang nagulumihanang mukha sa pag-aming ang mga taon niya ng pagtuturo ay winalan ng saysay ng isang hapon lamang ng pagpapatunay; at si Noel, papalapit sa akin, lumalaki sa pag-uusig ang mga matang lubog, nakaturo sa akin ang isang daliri sa pagsasabing Jun, Jun, ba’t mo kami pinaghigantihan?
At… at wala akong maunawaan, naguguluhan ako, ba’t niya sasabihin ang gano’n, maski sa panaginip lang? Ba’t niya sasabihing pinaghigantihan ko sila ni Mrs. Felicidad? Nalilito ako. Ano talaga ang ginawa ko?