Anomang kaparaanan o gawi sa komunikasyon ay dumaraan sa proseso ng pagwi-wika na sumasalamin sa isang umiiral na kultura. Nalilikha ang mga ugnayan at pagpa-pakahulugan sa isang seting ng komunikasyon batay sa konteksto na nagsisilbing maha-lagang tuntungan ng mensahe. Sa madaling salita, ang mga taglay na salita at kilos ng isang indibidwal ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang kahulugan batay sa kulturang pinaglalapatan at bumabasa rito. Mahalagang maunawaan ang kultura na nagluluwal ng mga kagawian at kaparaanan sa isang nabubuong ugnayang pangkomunikasyon upang mabatid ang kabuluhan at bisa ng isang mensahe. Ang likas na pagiging masayahin ng mga Pilipino ay maaaring basahin sa positibo at negatibong paraan ng pagiging kuntento o kaya naman ay kawalang pakialam. Samantala, ang seryosong ekspresyon ng mukha ng karaniwang mamamayan ng Thailand ay maaaring ipakahulugan ng pagiging masungit. Sa paraan naman ng pagsasalita, likas sa mga bansang kanluranin ang pagiging tuwiran at tahas sa pagpapahayag na kabaliktaran sa gawi ng mga Pilipino.
Sa pag-aaral na “Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino” ni Melba Padilla Maggay (2002), dinalumat niya ang matalas na paggamit ng pahiwatig sa kalakaran ng pakikipagkomunikasyon ng mga Pilipino. Inilarawan at sinuri niya ang paggamit ng pahiwatig sa karanasan ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan na maiuugnay sa tradisyon ng pakikipagkapuwa at makapagpapaunawa sa malalim na ugnayang nabubuo sa mga pamayanang Pilipino. Ang salitang ugat na “hiwatig” ay nagmula sa sinaunang Tagalog na tumutukoy sa paraan ng paghahatid ng nararamdaman at kaisipan ng isang tao sa pama-magitan ng pagliligoy sa pagpapahayag.
Bakit nga ba maligoy tayo? Sinikap ipaliwanag ni Pamela Constantino (2003) sa kaniyang papel na “Euphemism/Yupemismo sa Lenggwahe ng mga Pinoy”ang karaniwang dahilan ng hindi tuwirang pagpapahayag ng ating nararamdam na nagreresulta sa paggamit ng pahiwatig o kaya’y yupemismo: “Ayaw ng Pilipino na mapahiya o kaya’y mawalan ng pag-asa sa partikular na oras na iyon ang kanyang kausap kaya may paraan siya sa pag-iwas.” Maaaring masuri na ang ganitong gawi ng mga Pilipino sa komunikasyon ay upang mapanatili ang mabuting pakikitungo at pagpapanatili ng konseptong “pakikipagkapuwa” sa sinomang kausap o patutunguhan ng mensahe.
Maipapalagay na ganito rin ang namamayaning tradisyon ng pananalinghaga sa penomena ng pick-up lines na gumagamit ng tayutay bilang pormula sa paghahasa ng talim at lalim ng pagpapakahulugan sa namamayaning damdamin at kaisipang nais ipahayag ng isang indibidwal sa kaniyang kapuwa.
Halimbawa:
Tinidor ka ba?
Bakit?
Kasi baluktot ang tuwid na daan.
EDSA ka ba?
Bakit?
‘Di kasi ako makapag-move on.
Kung susuriin ang dalawang pick-up lines, nagagawang mapalalim nito ang kahulugan ng pamumuna at pagpapahayag ng nararamdaman na nagbubukas ng mayamang dikurso at bisa sa pagpapanatili ng kahulugan sa pakikipagkapuwa.
Bilang paglalapat sa konsepto ng pahiwatig sa komunikasyong Pilipino, sumulat ng limang pick-up lines na magagamit sa panliligaw o pagpapahayag ng nararamdaman sa isang tao.