Anomang pananaliksik ay isang pagtatangkang tumuklas ng isang bagong bagay o kaalaman sa pamamagitan ng masinop at sistematikong proseso ng pagbuo nito. Hindi lubusang maisasakatuparan ang anomang siyentipiko at emperikal na proseso sa pagsa-saliksik nang hindi nalilinang ang mga preliminaryong kasanayan na inaasahan sa pagsa-sakatuparan nito. Sinasabing ang mabisang pananaliksik ay nakabatay sa makabuluhang suliranin na tinatawag na gap. Ang pagpapasya sa kritikal na isyu o gap ng pananaliksik ang pangunahing kailangang isaisip ng mananaliksik sa pormulasyon ng pipiliing paksa, pag-buo ng pahayag na tesis, at gabay sa pagbabalangkas.
Sa larangan ng agham panlipunan, halimbawa, inaasahan ang isang gap ng pananaliksik na nagpapalawig at humahamon sa pangkasalukuyang kaalaman, teorya, o mga palagay. Makatutulong din ang gap ng pananaliksik sa paglilinaw ng tiyak na konteksto ng paksa at makapagsasagawa ng pagtataya ukol sa mahahalagang ambag sa binabalak na pag-aaral at kaibahan nito sa mga naunang naisagawa na. Sa madaling salita, ang gap at isyung pampananaliksik ang magsisilbing punong katuwiran at argumento sa kabuuang latag ng pananaliksik.
Kung gayon, kinakailangang umisip ng isang matalino at kritikal na isyung pampananaliksik na magbubukas ng makabuluhang mga posibilidad. Simulan ang panimulang gawaing ito sa pagpili at pagpapasiya ng tiyak at limitadong paksa batay sa mga sumusunod na katangian ng mahusay na paksa sa larangan ng wika at kultura: (1) tiyaking ang paksa ay malapit sa interes ng mananaliksik at pagkokonsidera sa kapakanan ng paksa; (2) makapagtitiyak ng sapat na materyales o sanggunian; (3) makabubuo ng mga tiyak na suliranin at haypotesis; (4) may katangiang napapanahon at nakapag-aambag sa kasalukuyang kalagayan o penomena sa larangan ng wika at kultura; (5) may matibay na kaugnayan at kabuluhang mapaglalapatan ng angkop at malayang metodo o pamamaraan; at (6) paksang nakapagpapayaman sa pag-unawa, pagdalumat, at pagpapahalaga sa anomang isyu o usapin sa larangan ng kultura at wika.
Sa pagsisimula ng pagpili ng paksang pampananaliksik, nakabubuo ang mga mananaliksik ng malawak na paksa na kinakailangang limitahan at itakda ang saklaw upang higit na mailinaw ang tiyak na pokus ng pananaliksik. Ilan sa mga panukalang istratehiya ng University of Illinois ang maaaring isagawa sa pagpopokus ng isang malawak na paksang pampananaliksik: (1) lumikha ng tentatibong pokus; (2) itala ang mga nalalaman sa paksa o mga tanong tungkol sa paksa at hanapin ang higit na interesante; (3) magsaliksik ukol sa kaligirang impormasyon ng paksang napili; (4) magpasya para sa partikular na perspektiba o pananaw sa napiling paksa; at (5) limitahan ang pagsasaliksik sa tiyak na panahon.
Ayon kay Simbulan (2008), marapat na isaalang-alang sa pagpili ng paksa kung para kanino ang gagawing pananaliksik, na magtitiyak sa benepisyo ng kaalamang panlahatan na lilikha ng mga mambabasang mapag-isip, may bukas na pag-iisip at may matatalas na pag-iisip. Sa ganyang pananaw ni Simbulan, maaaninag na mahalaga rin ang linaw ng adbokasiyang panlipunan sa pagpili ng paksa lalo sa larangan ng pambansang kultura at wika.
May ilang tiyak na pokus sa paglilimita ng paksang pampananaliksik na nakatuon sa uri, panahon, grupong kinabibilangan, perspektiba, edad, kasarian, at lugar. Ang mga pokus na nabanggit ay maaring makapaglilinaw sa parametro ng pananaliksik. Halimbawa sa paksang:
“Pagbanghay sa Iba’t ibang Imahe ng Kababaihan sa Piling TV Adbertisment”
Pagbanghay sa iba’t ibang imahe = pokus sa pananaw o perspektiba
Kababaihan = pokus sa kasarian
Piling TV Adbertisment = pokus sa uri
Matapos ang pagpili at paglilimita ng paksa, mahalagang gawain din sa pagsisimula at pagtataya sa potensyal ng paksa ang pagbuo ng tesis na pahayag na makatutulong upang mabigyang-diin ang perspektiba ng binabalak na pag-aaral. Nagsisilbing gabay ang tesis na pahayag upang mailimita ang paksa sa pokus at limitadong isyu. Naitala sa Online Writing Lab ng Purdue University ang ilang tips sa pagsulat ng tesis na pahayag:
- Tukuyin ang uri ng papel na isusulat batay sa katangiang analitikal (pagtalakay sa isang isyu at ebalwasyon ng isyu o ideya ng madla), ekspositori (layuning mag-paliwanag sa madla), o agumentatibo (pagbuo ng katuwiran ukol sa isang paksa at paggigiit ng tiyak na katibayan; maaaring ang katuwiran ay isang opinyon, panukalang polisiya, isang ebalwasyon o sanhi at bunga, o interpretasyon).
- Kinakailangang maging tiyak ang tesis na pahayag at kinakailangang saklawin lamang nito ang tatalakayin sa iyong papel na sinusuportahan ng mga tiyak na patunay.
- Kadalasang inilalagay ang tesis na pahayag sa katapusan ng unang talata ng iyong papel.
- Maaaring magbago ang iyong paksa habang nagsusulat, kung kaya maaaring rebisahin ang tesis na pahayag batay sa pagkakatalakay sa papel.
Halimbawa ng tesis na pahayag:
Ang iba’t ibang imahe ng kababaihan sa piling adbertisment ay maaaring basahin batay sa isyu ng komodipikasyon at pagkalakal sa uring ito.
Ang iba’t ibang imahe ng kababaihan sa piling adbertisment sa larangan ng komo-dipikasyon at pagkakalakal.
Ang iba’t ibang imahe ng kababaihan sa piling adbertisment ay may kinalaman sa intensiyon ng mga kapitalista na gawing komoditi at kalakal ang uring ito.
Sa unang tesis na pahayag, inilalatag ang isyu ng papel bilang isang panukalang lente ng pagsusuri. Sa ikalawang tesis na pahayag naman, nasa antas ng payak na paglalahad lamang ng paksa at isyu ang punto ng pagkakasulat. Samantalang sa ikatlong tesis na pahayag, malinaw ang argumentatibong katangian ng papel sa paglalahad nito ng kani-yang tiyak na pananaw at argumento sa paksang napili. Sa ganitong punto, nais ko ring linawin ang halaga ng pagkakaroon ng tiyak na pananaw at panig sa pagbubuo ng tesis na pahayag lalo kung ito ay may layuning argumentatibo. Gayundin, kahit pa nga ang layunin ng paksa ay nasa anyong ekspositori at analitikal, mahalaga ang tiyak na pananaw upang makapagbuo ng matatag na tunguhin ang papel.
Matapos piliin at limitahan ang paksa batay sa napagpasiyahang pokus at pangunahing argumento o pananaw na nilinaw sa tesis na pahayag, makatutulong ang paglalatag ng tentatibong balangkas na naglalaman ng mahahalagang aspekto at punto na tatalakayin sa kabuuan ng pananaliksik. Kailangang ibatay ang daloy ng isasagawang balangkas sa mga naitalang tiyak na suliranin o layunin ng pananaliksik. Maaaring gumamit ng pormal na paraan ng pagbabalangkas na gumagamit ng mga titulo at subtitulo upang mabusising mailatag ang mahahalagang punto ng pananaliksik. Samantala, maaari rin naman isagawa ang impormal na pagbabalangkas na naglalaman lamang ng pagtatala sa mahahalagang punto ng isasagawang pagtalakay sa papel.