Ngayong natapos mo na ang mga preliminaryong hakbang ng pananaliksik, handa ka na bang lumusong sa panibagong yugto ng pagsisiyasat? Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa paggalugad ng kaalaman sa pamamagitan ng pangangalap ng datos.
Maituturing na pinakamabusisi at pinakamalawak na gawain ng pananaliksik ang pangangalap ng datos, kadikit ang pagsusuri sa mga ito. Sa gawaing pampananaliksik, sinasaklaw ito ng bahaging kaparaanan o metodolohiya sa pananaliksik na tumutukoy sa mga lapit at pamamaraan sa pagtamo ng mga inaasahang impormasyon.
Klasipikasyon ng Datos
Mahalagang maunawaan sa pangangalap ng datos ang iba’t ibang klasipikasyon nito. Ang dalawang aspekto sa pag-uuri nito ay ang sumusunod:
- Nakasulat o hindi nakasulat na datos – Maituturing ang datos bilang nakasulat na datos kung mayroong limbag na dokumentong kaakibat nito. Kabilang dito ang mga libro, journal, magasin, pahayagan, liham, awtobiyograpiya, kronika, mapa, larawan, kalendaryo, at iba pang kasulatan. Sa kabilang dako, ang mga hindi nakasulat na datos ay pasalitang panitikan, sining audio-biswal, iba’t ibang labi, fossil, artifact, at iba pang katulad nito.
- Primarya, sekondarya, o terserang datos – Maaari ding organisahin ang datos batay sa ikalawang klasipikasyon. Naituturing na primarya ang datos kung kapanahong saksi at may tuwirang kaugnayan ito sa pinag-aaralang paksa. Ibig sabihin, primarya ang datos kung nanggaling ito mismo sa tinutukoy na pangyayari sa paksang pinag-aaralan (Evasco et al. 2011). Halimbawa nito ay ang mga interbyu sa mga nakaranas ng torture noong rehimeng Marcos kung ang panahon ng Batas Militar ang pag-uusapan. Sekondarya naman ang datos kung hindi ito kapanahong saksi ng paksang pinagtutuunan at gumamit lamang ng mga primaryang datos. Halimbawa nito ang ulat sa pahayagan ng isang reporter tungkol sa naranasang torture ayon sa mga biktima. Terserang datos naman ang turing sa mga sangguniang gumamit, nagtipon, at naglagom ng mga primarya at sekondaryang datos. Halimbawa nito ang mga dokumentaryong nabuo hinggil sa Batas Militar. Sa puntong ito, mahalagang sabihin din na maraming mananaliksik ang hindi pinag-iiba ang sekondarya at terserang datos.
Lapit at Pamamaraan sa Pangangalap ng Datos
May tatlong pangunahing lapit sa pangangalap ng datos. Ang mga ito ay:
- Pananaliksik sa laboratoryo – tumutukoy ito sa ginagawang pag-eeksperimento ng mga nasa larangan ng agham pangkalikasan. Ang datos ay nakukuha mula sa kahihinatnan ng ginagawang eksperimento.
- Pananaliksik sa aklatan o sa lugar na pinaglalagakan ng mga dokumento at impormasyon – tumutukoy ito sa pangangalap ng datos mula sa mga dokumento at babasahing makikita sa aklatan, artsibo o sinupan, Internet, pribadong koleksiyon, simbahan, munisipyo, museo, at iba pa. Mahalagang kasanayang dapat matamo ng isang mananaliksik sa aklatan ang wastong paggamit ng card catalog (CC) o online public access catalog (OPAC) sa paghahanap ng mga akda gamit ang titulo ng publikasyon, pangalan ng may-akda, o kaugnay na paksa. Gayundin, dahil sa pag-unlad ng teknolohiya, marami na ring mga website na masasangguni sa pananaliksik gaya ng Journal Storage: The Scholarly Journal Archive, Project MUSE, Project Gutenberg, Filipiniana, Philippine E-Joumals, Bagong Kasaysayan, at Diwa E-Journal.
- Pananaliksik sa larangan – tumutukoy ito sa mismong pagtungo sa pook ng pinag-aaralang paksa. Mahalagang maisaalang-alang sa ganitong lapit ang pakikipagkapuwa ng mananaliksik sa kaniyang mga kalahok. Nararapat kilalanin ang kalahok hindi lamang bilang tagapagbigay ng impormasyon, kundi bilang kapuwa tao. Kongkretong manipestasyon nito ang bukal na pakikipagkaibigan sa kalahok at hindi lamang para sa layuning makapangalap ng impormasyon. Gayundin, esensiyal ang paggamit ng katutubong wika o diyalekto sapagkat tanging sa taal na wika ng mga kalahok lamang nila maipahahayag ang kaniyang ideya, damdamin, pananaw, at pag-uugali (Pe-Pua 2005). Ilan sa mga katutubong pamamaraan ng pananaliksik ay pagtatanong-tanong, pakikipagkuwentuhan, nakikiugaling pagmamasid, pagdalaw-dalaw, panunuluyan, at pakikipagtalakayan.
Interbyu bilang Paraan sa Pagkuha ng Datos
Isa sa mga popular na paraan sa pangangalap ng datos ang pagsasagawa ng interbyu. Sa biglang tingin, ang paraang ito ay hindi nangangailangan ng maraming kagamitan—tanging recorder at sulatan lamang—at ng komplikadong kasanayan sa pakikipag-usap. Gayunman, hindi nangangahulugang walang dapat isaalang-alang sa pagpili ng interbyu bilang paraan ng pangangalap ng datos sa isang pananaliksik.
Naglatag si Denscombe (2003) ng listahan para sa pagpili at paghahanda sa interbyu. Aniya, kung isasagawa ang nasabing paraan, mahalagang “oo” ang sagot ng mananaliksik sa sumusunod na katanungan:
- Angkop ba ang pagsasagawa ng interbyu kung pag-uusapan ang: a. paksa ng pananaliksik; b. pangangailangan sa detalyadong impormasyon; c. akses sa kakapanayamin; at d. kasapatan sa oras at salapi?
- May malinaw ba akong bisyon sa mga usaping tatalakayin sa panahon ng interbyu?
- Maisasaayos ba ang iskedyul ng mga interbyu, sapat upang makabuo ng trans-kripsiyon at analisis ng mga ito?
- Kumpiyansa ba akong ang aking personal na pagkakakilanlan ay hindi magiging hadlang sa pagkuha ng mga kakapanayamin, at sa kanilang bukas at tapat na tugon sa aking mga itatanong?
- Nakapagsangguni at nakakuha na ba ako ng pahintulot sa awtoridad para sa gagawing interbyu?
- Malinaw ba sa akin ang pamantayan sa pagpili ng kakapanayamin?
- Naisaayos o napili na ba ang oras at pook ng interbyu?
- May limitasyon ba sa oras ang isasagawang interbyu at batid ba ito ng mga kalahok?
- Nabigyang pansin ko na ba ang angkop na paraan ng pagpapakilala (estilo ng pananamit, digri ng pormalidad, at iba pa)?
Kaugnay ng mga nabanggit sa itaas, nakapagbigay rin sina Constantino at Zafra (1997) ng mga hakbang na nararapat bigyang-pansin bago isagawa, habang isinasagawa, at pagkatapos isagawa ang interbyu:
1. Bago ang interbyu
- Tiyakin ang taong iinterbyuhin batay sa impormasyong nais mong makuha. Hindi lamang ang mga propesyonal kundi maging ang karaniwang mamamayan ay maaaring magsilbing awtoridad batay sa paksang pag-uusapan.
- Makipag-ugnayan sa iinterbyuhin at itakda ang petsa at lugar ng interbyu nang may malinaw na konsiderasyon sa taong iinterbyuhin.
- Magsaliksik tungkol sa paksa at taong iinterbyuhin. Sa ganitong paraan, natututukan sa proseso ng interbyu ang pagpapalawak at pagpapalalim ng impormasyon, hindi ang mga batayang datos lamang na maaari nang makuha sa ibang sanggunian.
- Maghanda ng mga gabay na tanong. (Tandaan: Ang mga tanong ay gabay lamang, lwasang magpatali rito. Mahalagang umangkop ang tanong sa daloy ng usapan.
- lhanda ang mga teknikal na kagamitan para sa interbyu gaya ng tape o digital recorder, panulat, at sulatan.
2. Habang nag-iinterbyu
- Dumating sa itinakdang petsa, oras, at lugar ng interbyu.
- Magpakilalang muli sa iinterbyuhin at talakayin sa kaniya ang kaligiran ng paksa at layunin sa isasagawang interbyu.
- Isagawa ang interbyu sa pamamagitan ng epektibong pagtatanong. Ibig sabihin, mahalagang lumikha ng iba’t ibang uri ng katanungan na may layuning magbukas ng paksa, manghingi ng opinyon, magpalalim ng ideya, at iba pa.
- Magpasalamat sa pagpapaunlak ng interbyu.
3. Pagkatapos ng interbyu
- Lagyan ng wastong identipikasyon ang tape na ginamit (o file kung digital) sa interbyu (halimbawa: Interbyu kay Dr. Rosario Torres-Yu tungkol sa panunuring pampanitikan, UP Faculty Center, 10 Abril 2015).
- Gawan ng transkripsiyon ang interbyu. Upang ganap na maorganisa ang transkripsiyon, bukod sa mismong pahayag ng kinapanayam, mahalagang maisama ang sumusunod:
- Anotasyon – tumutukoy ito sa mga impormal na tala at komento kaalinsabay ng mga pahayag ng ininterbyu, Nakabatay ang anotasyon sa alaala ng mananaliksik habang isinasagawa ang interbyu. Kinapapalooban ito ng mga obserbasyon sa ininterbyu, ang kaniyang kilos, emosyon, katahimikan, at iba pang hindi naitatala sa salita.
- Line number at code — bawat linya ay makabubuting lagyan ng numero upang maging madali ang paghahanap sa anomang mahalagang pahayag. Gayundin, mainam ding magbigay ng code o koda sa mga ideyang lalabas sa pahayag upang maging madali ang pag-oorganisa at analisis ng interbyu.
Narito ang isang halimbawang bahagi ng transkripsiyon ng isang interbyu sa tatlong kabataan hinggil sa epekto ng udyok ng mga kaibigan sa pag-inom ng alak:

Pansinin sa transkripsiyon ang mga numero sa gilid na nagpapakita ng haba ng interbyu. Tingnan din ang paglagay ng koda na maaaring tumutukoy sa iba’t ibang ideya — “koda 05” para sa unang karanasan sa pag-inom at “koda 12” para sa reaksiyon ng mga kaibigan. Naglagay rin ng anotasyon upang ilarawan ang iba pang bagay na hindi nahahagip ng recorder.
Mahalagang isaisip din na reyalidad ng interbyu ang mas maluwag na gamit ng wika. Dagdag pa rito, sa kaso ng mga pangkatang interbyu, maaaring mangyari ang pagsisingitan o pagsasaluhan sa usapan gaya ng naitala sa itaas.