Pananaliksik: Pangangalap ng Paunang Impormasyon

Sa nakaraang post, natuto kang pumili at maglimita ng paksa para sa iyong sulating pananaliksik. Mula sa nabanggit na unang gawain ay isusunod mo ang ikalawang mahalagang hakbang, ang pagbuo ng pahayag ng tesis na tinatawag sa Ingles na thesis statement hango sa iyong paksa.

Upang makabuo ng isang mahusay at matibay na pahayag ng tesis, karaniwang nangangailangan muna ng paunang impormasyon o kaalaman patungkol sa paksa. Bagama’t minsa’y may paunang kaalaman na ang mananaliksik sa kanyang paksa batay sa mga dati na niyang nabasa o naranasan, mapagtitibay pa niya ito lalo kung maghahanap pa siya ng karagdagang impormasyon o datos kaugnay nito. Ang mga paunang impormasyong tinatawag sa Ingles na background information ay magbibigay ng ideya sa mananaliksik kung bakit kailangang pag-aralan ang napiling paksa at gagabay sa pagpili ng papanigang pananaw sa bubuoing pahayag ng tesis.

Pagpili ng Mapagkakatiwalaang Mapagkukunan ng Paunang Impormasyon

Bagama’t ilang impormasyon o kaalaman lang muna ang kakailanganin mo at hindi pa ito ang malawakan at malalimang pangangalap ng datos at impormasyon ay mahalagang maipaalala sa iyo ngayon pa lang na maghanap ka sa mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng impormasyon. Kung sa Internet ka maghahanap at nag-type sa search engine tulad ng Google ng mga salita o pariralang kaugnay ng iyong paksa, tiyak na libo-libong impormasyon ang lalabas kaugnay nito subalit maging maingat ka sa pagpili sapagkat hindi lahat ng mga impormasyong mababasa mo ay tumpak, beripikado, mabisa, at kompleto. May mga web site na maituturing na higit na mapagkakatiwalaan kaysa sa iba tulad ng mga may domain name system na nagtatapos sa .edu (educational institution). .gov (government), o .org (nonprofit organization), Suriin ding mabuti ang mga nagtatapos sa .gov dahil minsa’y sa mga propaganda ng pamahalaang nakapanig ang nilalaman ng kanilang mga web site. Gayundin, maging mas maingat at mapanuri sa mga web site na nagtatapos sa domain extension na .com (commercial) dahil kung may mahuhusay na pangkalahatang impormasyon mang taglay ang ilan sa mga ito, ang iba’y hindi beripikado at madalas ay nagsisilbing paraan lang para makapagpakilala ng mga produkto o serbisyo at makabenta ng mga ito.

Ang aklatan ng inyong paaralan ay isa pang napakahalagang lugar na maaari mong mapagkunan ng mga impormasyon. Maraming aklat, pangkalahatang sanggunian tulad ng almanac, atlas, at encyclopedia, gayundin ng pahayagan, journal, at magasin ang matatagpuan ditong maaaring naglalaman ng mga datos o impormasyong kakailanganin sa pagbuo ng iyong panukalang pahayag.

Gayumpama’y tingnan mo rin ang taon kung kailan inilimbag ang mga aklat na ito. Kung mahigit sampung taon nang nalalathala ang mga aklatay maaaring may mga mas bago nang impormasyon o hindi na napapanahon ang mga impormasyong taglay nito. Alamin kung ang inyong aklatan ay may suskripsiyon sa library databases tulad ng Academic Search Premier, JSTOR, at iba pa kung saan makababasa at makapangangalap ng impormasyon mula sa mga napapanahong teksto o artikulong pang-akademiko at mga pananaliksik sa iba’t ibang paksa at disiplina. ”

Mula sa mga nakalap mong paunang impormasyon ay suriin kung alin-alin ang makatutulong sa iyong pagbuo ng mahusay na pahayag ng tesis. Isang mahalagang kasanayan sa isang mananaliksik ang maging mapanuri sa bawat impormasyong nahahanap niya. Maaaring sa una ay mahirapan kang magdesisyon sa dami ng impormasyong makikita mo kaya’t dapat na pumili nang mabuti at tingnan ang pinakaangkop at magagamit sa iyong susulatin.