Pilipinolohiya

Sa layunin ng pagsasakatutubo ng talastasang Pilipino at patuloy na proyekto ng dekolonisasyon na nakatuon sa pag-unawa, pagpapahalaga, at kritikal na ebalwasyon sa pagka-Pilipino at tunguhin ng lipunang Pilipino, nabuo ang larangan ng Pilipinolohiya. Ayon nga kay Prospero Covar (1981), ang Pilipinolohiya ay ang pag-aaral sa mundo ng mga Pilipino, sa Pagkapilipino, at sa iba’t ibang paraan ng pagiging Pilipino. Ang pagsasakatuparan ng bisyong ito ay nakaangkla sa paggamit ng wikang naghuhulma at bumubuhay sa kulturang Pilipino. Naniniwala ang larangang ito sa pag-aaral sa pagkatao, kultura, at lipunang Pilipino na nakabatay sa mga panloob na kaparaanan at kaisipang likas sa mga Pilipino, sa ganyan, naisasabuhay ang diwa ng pagsasakatubo. Bagaman nagbubukas din sa mga panlabas at kanluraning teorya, higit na kritikal ang kontekstuwalisasyon nito.

Pagsasakatubo bilang hakbang sa dekolonisasyon din ang ipinapanukala ng kilusan sa Sikolohiyang Pilipino (SP) na inakda ni Virgilio Enriquez. Itinuturing ni Enriquez ang SP bilang pamamaraan sa sikolohiyang mapagplaya na nagbibigay-diin sa diwa ng pagkakakilanlan at pambansang kamalay bilang tuntungan sa maka-panlipunan at maka-agham na pag-aaral sa tao. Sa ganitong pananaw, nagagawang magkaroon ng malinaw na tunguhin ang isang iskolar o mananaliksik na iumilikha ng bagong karunungan at pag-unawa ukol sa tiyak na kalagayan, karanasan, at panig na magsisilbing annbag nito sa malawakang kampanya sa pagpapalaya ng kaniyang lipunan. Ang paggamit ng katutubong pamamaraan ng SP ay may tunguhing dumukal ng kaalaman gamit ang pambansa at etnikong kultura at mga wika bilang pundasyon sa pagpapayaman ng anomang lawak o disiplina ng pag-unawa sa sarili. Ang konsepto ng “kapuwa” ang nagsisilbing pangunahing hibla sa pagdalumat ng nnalalimang ugnayan sa di-ibang tao sa pamamagitan ng proseso ng pakikipagpalagayang-loob, pakikisangkot, at pakikipagkaisa. Ang pakikipag-ugnayan sa ibang tao ay balot pa rin ng diwa ng pakikipag-kapuwa. 

Sa pangunguna ni Zeus Salazar (1991), inadhika ang “pantayong pananaw” na layuning pandayin ang talastasang bayan sa kabihasnang Pilipino sa pamamagitan ng malawakang pag-unawa sa kasaysayang nakaugat sa katutubong lente at panna-maraan. Nais angkinin ng “pantayong pananaw” ang dikurso ukol sa kasaysayan batay sa diwa ng “tayo” na bumubuo ng malalim na talastasang Pilipino gamit ang ating sariling wika, kaisipan, at dalumat. Naniniwala ang “pantayong pananaw” na kailangang maging ganap ang talastasang bayan kung magpapasakop at maibabalik ang elitistang “nasyon” sa diwa ng katutubong puwersa at diwa ng “bayan.” 

Sa pagyabong ng Pilipinolohiya sa mga tiyakna nabanggit na kaugnay na larangan ng kaisipan, nabubuksan ang malawak na potensyal sa ganap na nasyunalisasyon ng iba pang larangan ng kaalaman at paniniwala. Sa ganitong kalagayan din, mahalagang naililinaw ang mahalagang papel ng akademya sa pagpapayabong ng talastasang Pilipino na layuning dalumatin at talakayin ang mahahalagang larangan sa pag-ugat at paghulma sa katutubong pananaw ng agham panlipunan at akademikong kritisismo upang higit na maging kapaki-pakinabang sa pagbuo ng isang tunay na malayang bansa na alipin hanggang ngayon ng kaisipang kolonyal.