Balang araw,
ayaw kong sabihin mong
ang iyong ina ay nabuhay
para sa sarili lamang;
isang pangalang nakipagbuno
sa mga impakto ng isang panahong
hindi mo maunawaan.
Huwag mo sanang sabihing
siya’y inang walang pag-ibig,
o walang muwang sa pang-araw-araw
na pagpaparoo’t parito sa kusina,
banyo o silid-tulugan
ng daigdig mong limang taong gulang;
walang silbi bilang ina,
o bilang asawa ng iyong ama.
Huwag mo rin sanang sabihing
siya’y isang pangarap lamang:
Isang bumbilyang hindi nag-iilaw
sa anumang sulok ng tahanan.
Huwag mo rin sanang sabihing
Nakikipaglaro sa iyo sa dilim
ng malalim na gabi
ng maligalig mong pagtulog.
Paano mo kaya mauunawaan?
Ang iyong ina ay hindi isang bunton
ng mga salita lamang.
Ang inang nagturo sa iyong magbigay
ng mga panga-pangalan
ay may sariling digmaang kailangang pagwagian.
May sariling damdaming kailangang bigyan
ng mga pangalan
sa isang panahong
ang pagmamahalan ay nasasagkaan
ng isang manipis na bubungan,
nakapinid na pintuan,
at mabuway na dingding
ng isang madilim na tahanan.
Balang araw,
dalawa sana tayong makikibaka
sa mga multo at impakto.
Maglalaro tayo nang di nasasaktan.
Magbibigay tayo ng mga pangalan
sa mga damdaming inagawan ng pagmamahalan
sa isang tahanang minsang binuwag
ng mga pangarap
ng isang inang nagnais Iumikha
ng mga bagong pangarap.
Mapanganib na pangarap
Madamdaming pangalan.
Higit na makabuluhang tahanan.