Saka Ko Lamang Nalamang Ako’y Nakapatay by Maria Luisa F. Torres

sa bahay
may isang dagang
kay tagal nang
naghahanap-buhay

iniihan nito
ang mga pinggan
sa paminggalan
inuubos
ang tinapay
nginangatngat
ang mga librong
nakasalansan
binubutas
ang mga damit
sa labahan

kaisa-isang daga
ito sa bahay
kaya hinayaan
na lamang

nang kainin nito
ang kendi
ng anak ko
naubos
ang aking pasensiya

isang gabi
binantayan ko
ang daga
hinintay
lumabas
sa lungga
pinukpok ko
ng batuta

pinukpok ko
muli
muli’t muli

nahilo
nangisay,
namatay

bumulwak
ang dugo

kinabukasan
inilibing ito
ng anak kong
nagluksa
sa pagkamatay
ng kaisa-isang
daga
sa bahay