Tara na, Biyahe na Tayo! (Lakbay-Sanaysay)

Noong Agosto 20, 2016, nangyari ang isa sa mga hindi ko malilimutang karanasan sa paglalakbay sa Romblon kasama ang aking mga kaibigan. Ito ang unang karanasan ko na sumakay sa malaking barko. Maganda at maayos ang barko na aming sinakyan. Tamang-tama sa presyo—medyo mahal kompara sa ibang barko na mura nga subalit hindi gaanong maayos ang loob.

Ang barkong aming nasakyan ay may tatlong uri ng higaan para sa mga pasahero. Ang unang uri ay nasa itaas na bahagi at may mga higaang parang nasa pampublikong pagamutan. Pangalawang uri ay ang tinatawag na tourist, higit na maayos kaysa sa una. Pangatlong uri ay ang tinatawag na cabin na may sariling kuwarto ang mga pasahero. Naalala ko tuloy ang isang bahagi ng Noli Me Tangere, tungkol sa barko kung saan inilalarawan ang uri ng mga mamamayan sa lipunan, may mayaman, katamtamang buhay, at mahirap.

Nagsimula nang maglakbay ang barko sa amjng destinasyon. Matapos naming mailagay ang mga gamit sa aming lugar ay nagyaya ang mga kasama ko na umakyat sa itaas dahil maganda raw pagmasdan ang paglubog ng araw. Nang mga sandaling iyon ay malapit nang mag-agaw ang dilim at liwanag.

Medyo malakas ang alon kaya mararamdaman mo ang kaunting paghampas ng mga ito sa barko. Magkagayunman, napakasarap damhin at langhapin ang sariwang hangin habang minamasdan mo ang pagkulimlim ng araw sa paglubog nito. Hindi maalis sa isip ko na maihambing sa buhay ng tao ang paglubog ng araw. Isang pamamaalam o isang kamatayan ngunit may bukas na naghihintay. Sumasagi tuloy sa aking alaala ang mapait na kuwento ng aking kaibigang marinero.

Mahirap daw ang buhay ng isang marinero. Palaging nasa barko at lagi mong natatanaw ang paglubog at pagsikat ng araw. Ang pinakamahirap na kanyang naranasan ay ang pakikidaop sa kalikasan na parang nakikipagpatintero kay Kamatayan. Ang sigwa ng bagyo sa gitna ng laot ay hindi basta-basta kinakalaban. Tunay na matatawag mo ang lahat ng santo dahil bukod sa matatalim na kidlat ay masasagupa rin ninyo ang malahiganteng alon na sa sandaling magkamali sa pagpihit ng manibela ng barko ay mauutas ang buhay nang ganoon na lamang.

Napatigil ako sa aking pagmumuni-muni nang biglang nagsigawan ang mga tao. Tuwang-tuwa sila sa mga dugong na sumisisid pagkatapos ay pumapailanlang sa itaas. Grabe! Pati ako ay natuwa kung kaya’t kinuha ko ang aking cell phone at inabangan ang pag-ibabaw nilang muli upang mag-selfie kasama ng mga dugong. Wow! Ayos. Ang galing. Nakuhanan ko sila kasama ang aking sarili. Nice selfie.

Ilang oras pa ang lumipas at wala na ang mga dugong sapagkat ganap na ang dilim. Wala ka nang mamamalas sa gitna ng dagat kundi ang kadiliman. Kadilimang simbolo ng hungkag na buhay at baIt ng kalungkutan na larawan ng kawalang pag-asa.

Ayaw ko nang patagalin pa ang pagtitig ko sa kadiliman dahil naIulungkot ako. Ayoko ng malungkot na buhay. Ayaw ko sapagkat nananariwa ang mga alaala ng mapapait na kahapon ng aking buhay na minsan nang nasadlak sa gitna ng dilim.

Minabuti ko na lamang na ayain ang aking mga kasama upang magpahinga sa aming higaan sa gitnang bahagi ng barko.

Pagbaba namin, marami na ngang mga natutulog na pasahero at may iba namang nagkukuwentuhan. Ilan sa mga kasama ko ay nagkukuwentuhan habang nakahiga at paminsan-minsan ay nakikisall ako hanggang sa ako ay makatulog na.

Nagising na lamang ako dahil sa isang announcement na dadaong na ang aming sasakyan sa Romblon sa loob ng sampung minuto.

Sa wakas, bababa na rin kami at maluwalhating makararating sa aming destinasyon.