Three O’Clock in the Morning by Cirio H. Panganiban

Ito’y isang salon,
malaki’t maluwang, magara’t makintab.
Ang mga bombilyang may ginto, may pilak,
sa bubungang asul ay nagkislap-kislap.
Dito’y may orkestra, sa ragay ng tambol at iinggal ng Jazz,
ang mga talulot sa gitna ng salon nagising na lahat.
Saka, samantalang ang bawa’t pareha ay lilipad-lipad,
sa kintab ng sahig, ang kanilang puso ay naaanag-ag.

Mga puso yaong
kung di naglalaro’y nagsisinungaling;
gaya ng pabangong sumama sa hangin,
ang pag-ibig -nila’y di dapat hintayin!
Sa gitna ng salon, ang boses ng tanso ay tumataginting,
sinusundan-sundan ang apat na paang salit kung maglambing.
Saka, samantalang ang mga bombilya’y nag-aantok mandin
ay may isang halik na di naitago ng k’werdas ng b’yolin.

Ikatatlo noon
ng madaling araw… Sa salong marikit
na pinagsayawan ng puso’t pag-ibig,
ang dating orkestra’y di na naririnig.
Ngunit samantalang ang huling bombilya’y kusang pumipikit
sa ulilang salon, ang isang dalaga’y luhaang nagbalik,
at saka sa dilim ng gabing mapanglaw, matapos humibik,
baliw na nga yatang hinahanap-hanap ang puring nawaglit!