Gumagamit din ang mga makatang Pilipino ng kanluraning modelo sa kanilang panulaan. Kabilang sa mga tulang may kanluraning anyo ang soneto, rondeau, villanelle, at sestina. Sa mga ito, ang pagtutuunan natin ay ang soneto. Hindi muna natin isusulat ang iba pang anyo tulad ng sestina dahil nangangailangan ito ng higit na mataas na kasanayan. Malaking hamon ang pagsulat nito kahit sa mga batikang makatang Pilipino.
Ang soneto ay tulang liriko na binubuo ng 14 na taludtod. May dalawa itong anyo, ang Petrarchan (uri ng soneto na nakilala dahil kay Francesco Petrarch) at ang Shakesperean (naging bantog dahil kay William Shakespeare). Ang sonetong Petrarchan ay may dalawang saknong—ang unang saknong ay may walong taludtod o octave (ang tugmaan ay a-b-b-a, a-b-b-a) at ang ikalawang saknong ay may anim na taludtod (ang tugmaan ay c-d-e, c-d-e o c-d-c, d-c-d). Walang itong tiyak na sukat. Ang unang walong taludtod ng sonetong Petrarchan ay karaniwang nagbibigay ng ideya tungkol sa tema o problema at ang huling anim na linya ay nagsisilbing resolusyon.
Ang sonetong Shakespearean naman ay binubuo ng isang saknong na may 14 na taludtod na ang tugmaan ay a-b-a-b, c-d-c-d, e-f-e-f, g-g. Ang dalawang huling taludtod ng anyong ito ay maaaring magsilbing kongklusyon ng tula. Maaari din namang paigtingin nito ang damdamin sa tula o kaya naman salungatin nito ang mga naunang taludtod. Karaniwang nasusulat sa iambic pentameter ang bawat taludtod. Ibig sabihin, mayroon itong 10 pantig at ang diin ay nasa ikalawa, ikaapat, ikaanim, ikawalo, at huling pantig. Ang sumusunod ay halimbawa ng sonetong Shakesperean. Walang tiyak na sukat ang sating ito sa Filipino ni Jose F. Lacaba.

Marami na ring makata sa kasalukuyan ang hindi sumusunod sa mahigpit na patakaran ng tradisyonal na soneto na may tiyak na tugmaan at bilang ng taludtod. Pinalalawak nila ang porma nito sa pamamagitan ng pagluluwag sa ilang mga kahingian sa tradisyonal na soneto. Isang halimbawa nito ang “Soneto kay Rizal” ni Richard R. Gappi.