Mga Tulang May Katutubong Anyo

Bago pa tayo sakupin ng mga kolonisador, may umiiral nang iba’t ibang paraan ng pagtula sa Pilipinas na ang malaking porsiyento ay pasalita. Halimbawa ng oral na panulaan ang epiko, awiting bayan, at maiikling anyo ng katutubong tula tulad ng bugtong, talinghaga, kasabihan, at salawikain. Masigla na rin ang panulaan sa mga rehiyon tulad ng ambahan (Mangyan), dallot (Iluko), daman (Tausug), hurubaton (Hiligaynon), at gindaya (Bagobo). Bukod sa mga ito, umiral din ang tanaga, dalit, at diona.

Tanaga

Binubuo ito ng apat na taludtod at ang bawat isa ay may pitong pantig. Ang sinaunang anyo ng tanaga ay may tugmaang isahan (a-a-a-a). Ngunit sa kasalukuyan, ginagamit na rin ang mga tugmaang a-b-b-a, a-b-a-b, at a-a-b-b. Sa limitadong sukat dapat ay ganap na naipahahayag ng makata ang kaniyang mensahe gamit ang talinghaga.

Ayon sa Vocabulario nina Sanlucar at Noceda, ang tanaga ay may mataas na pagpapahalaga sa lipunang Tagalog.

Halimbawa:

Nang ualang biring guinto
doon nagpapalalo;
nang magcaguinto guinto,
noon nanga songmoco.

Ang halimbawang tanaga ay maituturing na pinaghalong bugtong at tula na nagbibigay-aral. Bugtong ito tungkol sa palay at aral naman tungkol sa huwad at totoong katarungan. Dito, inihahalintulad ang “taong hindi marunong” sa palay na papatubo pa lamang na mayabang na tinitingala ang langit. Samantala, kabaligtaran ang “taong marunong” at may karanasan na sa buhay na inihahalintulad naman sa uhay na maraming butil, yumuyuko at mababa ang boob.

Dahil sa pagsakop ng mga Espanyol at ang pagtanggap at pagyakap ng mga Pilipino sa dala nilang relihiyon, unti-unting nawala sa kamalayan ang tanaga at iba pang katutubong anyo ng panitikan (Panganiban, Panganiban, Matute, at Kabigting, 1993). Muli lamang itong binuhay noong dekada 1960 at 1970 ng mga makatang tulad nina Virgilio Almario, Lamberto E. Antonio, at Rogelio G. Mangahas (Almario, 2003).

Noong 2003, higit na naging popular ang tanaga nang ilunsad ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang timpalak na TEXTANAGA (Almario, Baquiran, at Nadera, 2003). Dito, ipinadadala ang lahok na tanaga sa pamamagitan ng text message sa cellphone.

Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng tanaga:

Sige lang sa paghataw
sa cha-cha ang Gahaman;
`wag tayong magpaduyan
sa saliw ng Halimaw.

Sa lupa isinulat
ang dalumat ng sugat;
sinukat, sumambulat,
gubat ng pagkamulat.

Dalit

Binubuo ito ng apat na taludtod at ang bawat isa ay may walong pantig. Sa Compendio del arte de la lengua tagala (1703) ni Fray Gaspar de San Agustin, nakasaad na popular ang dalit sa mga Tagalog at ginagamit nila ito upang ipahayag ang kanilang “matatayog na kaisipan at mabibigat na damdamin” (Almario, 2006, p. 91).

Halimbawa:

Caloloua co’y, hogasan
pacalinisi’ t sosian
pauian mori’t, alisan
domi’t, libag casalanan.

Sa halimbawang dalit, ipinababatid nitong pansamantala lamang ang buhay ng tao sa mundo kaya marapat nating linisin ang kaluluwa bilang paghahanda sa buhay na walang hanggan. Ang nasa ibaba naman ay halimbawa ng kontemporaneong dalit:

Silang mga kumakayod
sa syudad ng mga uod,
pawiin kanilang pagod
ibigay tamang pasahod.

Diona

Binubuo ito ng tatlong taludtod na may tigpipitong pantig. Umiiral na ang dalit bago pa man dumating ang mga Espanyol at isa rin ito sa mga awit (kasama ang talingdaw at oyayi) na nabanggit sa Vocabulario nina Sanlucar at Noceda. lisa ang tugmaan sa sinaunang diona, ngunit dahil sa mga pag-eeksperimento, ginagamit na rin ang salitan, sunuran, at inipitang tugmaan. Iba-iba na rin ngayon ang paksa ng diona. Ang sumusunod na halimbawa ng diona (isang awit pangkasal) ay mula sa Vocabulario:

Mayag aco sa masiguing
ang malubay na ang aquin
malayo ang madarating

Ang diona sa itaas ay isang awit pangkasal. Sinasabi ng nagsasalita na handa niyang tanggapin ang isang matapang na tao. Gayunman, mas gugustuhin niyang doon na lamang siya sa mahinahon dahil malayo ang mararating niya rito. Ang nasa ibaba ay isa pang halimbawa ng diona:

Ang maton, nakaidlip
At hilik pa nang hilik
Sa higaang masikip.

Haiku

Ang tanaga, dalit, at diona ay karaniwang inihahalintulad sa haiku ng kulturang Hapones. Bagaman nagkakahawig sa estruktura at sa pananalinghaga, mahalagang linawin na may katangian ang haiku na kaiba sa katangian ng mga katutubong anyo ng tula sa Pilipinas.

Ang haiku ay binubuo ng tatlong taludtod. Ang unang taludtod ay binubuo ng limang pantig, ang ikalawa ay pitong pantig, at ang ikatlo ay limang pantig. Si Matsuo Basho ang isa sa mga pinakakilalang makata sa panahong Edo sa Japan. Siya ay kilala sa buong mundo dahil sa kaniyang mga haiku. Ang mga sumusunod ay salin sa Filipino ni Roberto Añonuevo (2009) ng isa sa mga haiku ni Basho (batay sa tekstong Ingles ni Zoltan Barczikay):

Orihinal (Kanji at Hiragana)Orihinal (Romaji)Salita sa Ingles ni BarczikaySalita sa Filipino ni Añonuevo
年暮れぬ 
笠きて草鞋 
はきながら
Toshi kurenu
Kasa kite waraji
Hakinagara
Another year is gone;
and I still wear
straw hat and straw sandal
Lipas ng taon;
suot ko’y sambalilo’t
saping nilala

Makikita sa aklat na Gagamba sa Uhay (2006) ni Rogelio G. Mangahas ang magagandang halimbawa ng mga haiku sa Filipino. Suriin natin ang halimbawa mula rito:

Lingkaw ko’y pigil:
may gagamba sa uhay,
bilot ang balang.

– ni Rogelio Mangahas

Ang tula ay “hindi lamang nagninilay hinggil sa siklo ng tag-ani, kundi inaalingawngaw rin ang karunungan ng kalikasang may sarili mang karahasan ay likas na umiinog upang magpatuloy ang buhay” (Sanchez & Abrahan, 2012, p. 237).

Sa pagsulat ng tanaga, dalit, diona, at haiku, maaaring talakayin ang kahit na anong paksa—pag-ibig sa kapuwa o sa bayan, pamilya, pag-aaral, pag-asa, kamatayan, at iba pa. Tandaan lamang na sa loob ng limitadong anyo ng mga tulang ito (mahigpit na tuntunin sa sukat at tugma), siguraduhing maipahahayag nang malinaw ang mensaheng ibig ipabatid sa pamamagitan ng paggamit ng matatalinghagang salita.

Masasabing malihim ang mga tulang ito dahil sa pagkakaroon ng matitimping anyo. Dahil dito, kailangang gumamit ng makata ng mga kongkretong imahen para sa masidhing pagpapadama. Bukod dito, kailangan ding malinaw na masalamin sa mga tula ang karanasan at kultura.