Wikang Filipino Bago Dumating ang mga Espanyol

Isang mabisang ekspresyon ng damdamin ng isang lipunan ang kanyang wika. Isa ito sa pangunahing institusyon ng pagsasalin ng kultura ng isang bansa sa mga henerasyon na bumubuo at magpapatunay nito. Samakatwid, ang wika ay di lamang institusyon kundi kasangkapan din na nakatuon sa pag-unlad ng pag- isip at kakayahan ng mga mamamayan na makipagtalastasan sa loob ng isang lipunan.

Ang lawak ng kaalaman ay nakakamit sa tulong ng malawak na paglalakbay ng isipan sa mga larangan ng kaalaman at impormasyon. Mahalaga ang ginagampanang tungkulin ng wika sa pag-unlad na ito.

Sa modyul na ito, babalikan natin ang kasaysayan ng pag-unlad ng wikang Filipino at paano ito nagamit sa pagpapayaman ng ating kultura at pangangailangang panlipunan-,ang wikang katutubo na ginagamit sa bansa bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo. Katulad ng iba pang wikang buhay, ito ay dumaraan sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng panghihiram sa mga wika ng Pilipinas at mga di katutubong wika at sa ebolusyon ng iba’t ibang barayti ng wika para sa iba-ibang sitwasyon, sa mga nagsasalita nito na may iba’t ibang sanligang sosyal, at para sa mga paksa ng talakayan at iskolarling
pagpapahayag.

Tunay na mahalaga ang ginagampanan ng wika sa patuloy na pag-unlad ng bansa sa iba’t ibang larangan. Hindi mapasusubalian na ito ang instrumentong nag-uugnay sa mga mamamayan upang kumilos at magpahayag.

Sa pamamagitan ng Cycle Organizer, ipakita kung paano, sa palagay mo, pinag-uugnay-ugnay ng wika ang sumusunod na mga aspekto ng buhay:

Ang ating mga ninuno ay may sarili nang panitikan bago pa ang naging pananakop ng mga Espanyol sa bansa. Nagtataglay ang panitikang ito ng kasaysayan ng ating lahi mga kuwentong-bayan, alamat, epiko, awiting-bayan, salawikain, kasabihan, bugtong, palaisipan, at iba pa.

Gayundin, nag-aangkin din tayo ng sariling baybayin na ginagamit sa pakikipag-ugnayan. Ito ang katutubong alpabetong binubuo ng 17 titik na hawig sa mga ginagamit ng mga Indones o ng mga taga-Malayo-Polinesyo. Ang baybayin ay binubuo ng tatlong patinig at 14 na katinig.

Narito ang paraan ng paggamit ng baybayin:

Ang mga katinig ay binibigkas na may kasamang tunog ng patinig na /a/. Kung nais basahin o bigkasin ang mga katinig na kasama ang tunog na /e/ o /i/, nilalagyan ang titik ng tuldok sa itaas. Samantala, kung ang tunog ng /o/ o /u/ ang nais isama sa pagbasa ng mga katinig, tuldok sa ibaba nito ang inilalagay.

Samantala, kung ang nais kaltasin ay ang anumang tunog ng patinig na kasama ng katinig sa hulihan ng isang salita, ginagamitan ito ng panandang krus (+) bilang hudyat sa pagkakalitas ng huling tunog. Gumagamit ng dalawang pahilis na guhit // sa hulihan ng pangungusap bilang hudyat ng pagtatapos nito.