Hindi mapasusubalian na sa mga nagdaang panahon, unting-unting nakita ang pagsulong ng wikang Filipino tungo sa inaasam na pagyabong at malawakang paggamit nito. Sa panahon ng Hapones, malaki ang iniunlad ng wikang Filipino lalo na sa larangan ng panitikan. Ayon nga sa pag-aaral, ang panahon ng Hapones ang itinuturing na Gintong Panahon ng Maikling Kuwentong Pilipino. Ano naman kaya ang nangyari sa sumunod na mga panahon sa ating kasaysayan?
Panahon ng Pagbangon Mula sa Digmaan
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, itinatag ang Ikatlong Republika ng Pilipinas. Sa panahon ni Pangulong Manuel A. Roxas nagkaroon ng maraming suliranin ang pamahalaan dulot ng nakaraang digmaan. Pangunahing problema nito’y ang pagtatag na muli ng kabuhayang pambansa at pagpapanumbalik ng katahimikan at kaayusan ng bansa. Nagpatuloy ang mga manunulat sa paggamit ng Pilipino sa kanilang mga akdang pampanitikan.
Naging popular si Carlos P. Garcia sa kanyang patakarang ”Pilipino Muna” at Reporma sa Lupa naman kay Diosdado Macapagal sa panahon ng kanilang pagka-pangulo.
Ang pagkahalal ni Ferdinand E. Marcos noong 1965 ay hindi lumagot sa tanikala ng mga ”mayroon” sa pagsasamantala at pagmamalabis sa mga wala o ”have-nots.” Ang suliranin ng mga nakaraang administrasyon ay naragdagan pang lalo sa panahon ni Pangulong Marcos. Sa panahong ito, ang mga intelektuwal ay humantad at naglantad ng mga katiwalian at kabulukan ng pamahalaan sa kalye, sa paaralan, at sa pahayagan. Ginamit ang wikang Pilipino upang ilantad ang tunay na kalagayan ng lipunan upang maihatid sa higit na nakararaming Pilipino.
Lalong tumindi ang paglaganap ng pambansang kamalayan. Dumami ang hindi sumang-ayon sa pananatili ng mga base militar ng Estados Unidos dito.
Ang mga huling taon ng dekada 70 ay humingi ng malawak na pagbabago sa sistema. Ang tanawin sa Kamaynilaan ay pinatingkad ng madugong demonstrasyon ng mga intelektuwal, estudyante, at mamamayan mula sa katiwalian at iba pang
sakit ng pamahalaan. Lalong nag-umigting ang paggamit ng wikang Pilipino sa mga naganap na Parliament of the Street.
Noong 1971, ginanap ang Constitutional Convention upang bumuo ng bagong konstitusyon sa gitna ng kaguluhan at pagbagsak ng kabuhayang pambansa.
Nang magpatuloy ang karahasan at kaguluhan, nagpasiya si Pangulong Marcos na ipailalim sa Batas Militar ang buong bansa sa bisa ng Proklamasyon Bilang 1081 noong Setyembre 21, 1972.
Panahon ng Bagong Lipunan
Nang ilunsad ni Pangulong Marcos ang Batas Militar noong Setyembre 21, 1972, sumilang ang Bagong Lipunan. Kasabay nito, sumipot ang mga kabataang mapaghimagsik kaya ang panahong ito ay naging panahon din ng aktibismo.
Ang wikang Pilipino ay mabilis na umunlad sa panahong ito dahil ang isipan at damdamin ng mga kabataang Pilipino ay ipinahayag sa sariling wikang Pilipino. Gayundin, sa hangad ng Pangulong Marcos na malinang ang mga mamamayang Pilipino upang maging Bagong Pilipino, inugali niya ang magsalita at magtalumpati sa Pilipino tuwing hinihingi ng pagkakataon.
Sa panahon ding ito inilunsad ang bagong palatuntunan ng Ministri ng Edukasyon at Kultura, ito ay ang bilingguwalismo. Ito ay pagtuturo sa pamamagitan ng dalawang wika: sa Pilipino at Ingles.
Ayon sa isang artikulong nailathala sa mga pahayagang Pilipino Express, Times Journal, Evening Express, at Bulletin Today, taong 1973: ”… ang pagpasok ng Pilipino mula sa pinakamababang grado ay magpapabilis sa pagpapaunlad at pagpapalaganap ng wikang Pilipino; ang paggamit ng Pilipino at Ingles ay lilinang ng mga mamamayang bilingguwal; ang Ingles ay pangunahing wikang pandaigdig at pumapawi sa mga konsiderasyong rehiyonal; ang Pilipino ay kailangan para sa pambansang pagkakakilanlan gaya ng hinihingi ng Saligang-Batas; at bubuklod ito sa sambayanan sa isang kabuoan.”
May tatlong mahahalagang layunin ang bansa sa ilalim ng Bagong Lipunan: (1) kaunlarang pangkabuhayan, (2) kaunlarang panlipunan, at (3) kaunlarang pangkalinangan.
Nagkaroon ng iba’t ibang pagbabago ang pamahalaan upang maipatupad ang mga nasabing layunin. Ito ay binuod sa acronym na PLEDGES:
P | Peace and Order o Kapayapaan |
L | Land Reform o Reporma sa Lupa |
E | Economic Reform o Reporma sa Pangkabuhayan |
D | Development of Moral Values o Kalinangan ng Kalahagahang Moral |
G | Government Reforms o Reporma sa Pamahalaan |
E | Educational Reform o Reporma sa Edukasyon |
S | Social Reform o Reporma sa Lipunan |
Pansamantalang natigil ang lahat ng babasahin sa buong kapuluan nang ipatupad ang Batas Militar noong Setyembre 21, 1972. Pinanagot ang mga naglimbag at nagbili ng malalaswang babasahin. Ipinasara ang mga sinehang nagtatanghal ng mga pelikulang maaaring makasira sa moralidad ng mga Pilipino lalo na sa kabataan. Ipinasunog ang mga duguang pamphlet na ikinalat ng mga kabataang aktibista at inusig ang mga may kinalaman sa paglalathala ng maruruming akdang pampanitikan. Gayundin ang ginawa sa estasyon ng mga radyo at telebisyon.
Nang muling pahintulutan ang paglalathala at naging normal ang kalagayan ng bansa, ang mga manunulat at mga makata ay naharap sa isang malaking pananagutan. Isang pananagutan kung paano sila makatutulong sa pagpapaunlad ng mga pamayanan sa buong kapuluan. Dahil dito, ang pamahalaan at pribadong sektor ay nagtaguyod ng mga seminar ukol sa paglalathala, kasabay nito ang pagbibigay ng guidelines o bagay na dapat taglayin sa paglalathala ng mga pahayagan, magasin, komiks, at mga pahayagang pampaaralan. Wikang Pilipino pa rin ang ginawang midyum upang maibahagi ang mga kabutihang idinudulot ng programang PLEDGES.
Gamit ang wikang Pilipino, nagpatuloy ang Liwayway at komiks sa kanilang layuning magbigay ng aliw sa kanilang tagatangkilik. Iniwasan ang mga artikulong nakasisirang-puri sa isang pangkat o indibidwal, buhay man o patay. Muling umusbong ang panitikang kapupulutan ng magagandang aral sa buhay. Dumami ang mga kabataang manunulat sa Ingles at Pilipino, na ang mga panulat ay kababasahan ngayon ng buhay Pilipino, damdaming Pilipino at diwang Pilipino.
Sa ilalim ng Batas Militar, ang pamahalaan ni Pangulong Marcos sa pamamagitian ng Unang Ginang at mga manunulat na nasa pamahalaan ay naglayong maging bahagi ng pagbabago ng bansa ang sining, kaya nga’t sumigla ang paglikha ng mga awiting Pilipino, ang lingguhang pagtatanghal ng mga konsiyerto, ballet, at mga dula sa Cultural Center of the Philippines. Gayundin ang mga lecture series sa sining at panitikan. Kapansin-pansin na ang binibigyang- diin ay ang estetiko sa paghahangad na iangat marahil ang panlasa sa sining ng bayanan.
Sa pamamagitan din ni Kalihim Francisco Tatad Jr. ng Kagawaran ng Pabatirang Madia, (DPI) tiniyak sa mga manunulat na ang paglalantad ng katotohanan ay karapatang pantao. Samakatwid, malaya ang lahat na sulatin ang paksang ng gustuhin subalit ito ay dapat umayon sa mga layunin ng bagong Lipunan nakapaloob sa PLEDGES.
Makabagong Panahon
Pagkaraan ng walong taong pagpapasailalim sa bansa sa Batas Militar at sa paniniwalang nagbalik na sa normal ang buong kapuluan, ibinaba ng Pangulong Marcos ang isang kautusan na nag-aalis ng Batas Militar noong Enero 17, 1981. Kasabay nito ay ang pagsilang ng Bagong Republika.
Dahil sa pagtatatag ng Bagong Republika, inasahan ang higit na maunlad na Pilipinas sa darating pang mga taon at ang sentro ng pag-unlad ay ang TAO. Inasahan ang isang mamamayang may tiwala sa sarili, produktibo, at lumalahok sa mga gawaing panlipunan, at pampamahalaan.
Sa harap ng ganitong pag-asam, inilunsad ang bagong palatuntunan ng pamahalaan, ang simulaing /sang Bansa, Isang Diwa. Ito ang kabuoan ng Ideolohiyang Pilipino na nais palaganapin sa Bagong Republika. Ang bagong adhikaing ito na maituturing na karugtong ng napasimulan na sa Bagong Lipunan sa panahon ng Batas Militar ay naglalayong magkaroon ang bawat
tao ng pagkaunawa at bagong pagkilala sa lipunang ginagalawan at sa mga suliraning dito ay nakapaligid. Higit na binibigyang-pansin ang pagbibigay sa bawat Pilipino ng kakayahan, kaalaman, at pananaw na teknikal, panlipunan, at pampamahalaan.
Ngunit nagpatuloy ang kawalang pag-asang kalagayan ng mga Pilipino. Dumami ang paglabag sa karapatan ng tao, mga karahasan, at krimen. Ang sama-samang epekto ng mga pangyayaring ito ay nakaaapekto sa pamahalaan ni Pangulong Marcos.
Dahil sa umiiral na kalagayang ito, tumawag siya ng isang snap election noong Pebrero 7, 1986 sa layuning pahabain pa ang panunungkulan niya sa pamahalaan na dapat sana ay matatapos ng Hunyo 30 ng taong iyon. Ito ang naging simula ng
bagong yugto sa ating kasaysayan.
Sa halalang ginanap, nakalaban ni Marcos ang balo ng pinaslang na Senador Benigno Aquino Jr., pagkaraan ng isang krusadang nangalap ng isang milyong lagda ng mga Pilipino para sa kanyang kandidatura. Nakita ang lakas ng suporta ng mga mamamayan sa tambalang Corazon Aquino-Doy Laurel. Hindi ito naikaila sa mga Marcos at kanilang mga tagasunod. Gumawa sila ng paraan upang madaling maideklara ang pagkapanalo ni Marcos.
Subalit tumutol ang mga mamamayan. Sa pamamagitan ni Defense Minister Juan Ponce Enrile at Vice Chief of Staff Fidel Ramos, nangyari ang makasaysayang EDSA Revolution, ang ”People Power” na nagtapos sa 20 taong diktadurang pamahalaan ni Marcos, at nagluklok naman sa puwesto sa kauna-unahang babaeng Pangulo ng bansa, Gng. Corazon Cojuangco-Aquino.
Ang sumunod na mga pangyayari ay nagpakita kung paano pinilit ng nanunungkulang pamahalaan na mapawi ang anino ng nakaraang rehimen upang muling maibalik ang kaunlaran ng bansa. Ang pagbangon mula sa pagkakasadiak ay mahirap na gawain subalit naipakita ng mga Pilipino ang katatagan sa pagharap sa hamong ito.
Patuloy pa rin ang mga suliraning panlipunan na kinakaharap ng bansa at patuloy pa rin ang pag-asam na muli, matatanghal ang bansa bilang isang bagong bansa sa ilalim ng isang bagong demokrasya. Ito ang binigyang-pansin sa pamahalaan ni Pangulong Fidel V. Ramos. ”Moral recovery” ang naging pilosopiya ng kanyang panunungkulan dahil, ayon sa kanya, dito dapat magsimula ang pag-unlad ng isang tao na kailangan upang umunlad ang bansa.
Sa pamahalaan ng naging Pangulong Joseph Estrada, naging pilosopiya ang Erap para sa Mahirap na sinundan naman ng Angat Pinoy 2004. Ang sentro ng mga adhikain ng administrasyon ay maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino tungo sa isang disente at maayos na kalagayan.
Ngunit nagkaroon ng pagbabago sa pamamahala. Dahil sa mga sigalot na kinasangkutan, napaalis sa puwesto si Estrada at iniluklok bilang pangulo ang kanyang Bise Presidenteng si Gloria Macapagal-Arroyo na anak ng dating pangulo na si Diosdado Macapagal. Binigyang-diin ng administrasyon ni Arroyo ang pagkakaroon ng new moral order hindi lamang sa pamahalaan kundi sa lahat ng sektor ng lipunan. Pinalawak din ang mga programa para sa pagpapaunlad ng kabuhayan upang makaagapay ang bansa sa globalisasyon.
Sa pagpapairal ng mga simulain ng pamahalaan para sa demokrasya, ang mga manunulat na Pilipino ay muling naharap sa isang malaking pananagutan. Naisip nila ang kahalahagan kung paanong sa pamamagitan ng kanilang panulat ay makatutulong sila sa pagtatatag ng isang maunlad na bansa. Ninanais nila na makahubog ng mga mamamayang magiging malawak ang pananaw sa mga aspektong panlipunan, pampulitika, pangkabuhayan, pansining, at iba pang larangan upang tuluyang maitanghal ang bansa sa kanyang nararapat na
pedestal.
Nagpatuloy pa rin ang Liwayway sa paglalathala ng mga akdang likha ng ating manunulat, lalo’t higit iyong mga nagsisimula pa lamang sa larangang ito ng pasulat. Maging ang mga komiks at magasin ay nagkaroon ng mga pagbabago sa kanilang porma at nilalaman at umayon sa hinihingi ng mga simulain ng bagong Republika.
Gayundin, ang mga dulang Pilipino ay nagkaroon ng higit na ningning sapagkat tuluyang nag-ibayo ang pagtatanghal ng mga ito sa iba’t ibang pook-tanghalan mula sa mga paaralan hanggang sa CCP, Metropolitan Theater, Dulaang Raha Sulayman, San Miguel Auditorium, Insular Life, Philamlife at sa pagtataguyod ng Bulwagang Gantimpala, Teatro Pilipino, Repertory Philippines, at ng iba pang tagatangkilik ng mga akdang Pilipino.
Ang nag-aalab na damdamin ng mga manunulat na makalikha ng mga obra maestra ng kasalukuyang panahon ang nagbunsod ng Writers Union of the Philippines (ngayon ay UMPIL o Unyon ng mga Manunulat sa Pilipino) upang ilathala ang Mithi. Ito ay isang magasing tumugon sa pagkauhaw ng mga mambabasa sa mga akdang tunay na naglalarawan ng buhay-Pilipino sa kasalukuyang panahon.
Sa ilalim ng panunungkulan ng mga naging pangulo mula kay Corazon Aquino hanggang sa panunungkulan ng kanyang anak na si Benigno Aquino III, natamo ng mga manunulat ang lakas at kalayaang matagal na nilang inaasam na makamit. Ang tunay na diwa ng demokrasya ay nadama ng mga Pilipinong may puso para dito.
Nagkaroon ng panibagong sigla sa larangan ng panitikan. Lalong napayaman ang ating wika sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Bagong Ortograpiyang Filipino na iniayon sa pangangailangan ng panahon.
Iba Pang Mahahalagang Datos sa Pag-unlad ng Wikang Filipino
- Nilikha ng Batasang Pambansa ang Batas Komonwelt Blg. 184–opisyal na paglikha ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP) noong ika-13 ng Nobyembre 1936.
- Ang tungkulin ng SWP ay magsagawa ng pananaliksik, gabay, at alituntunin na magiging batayan sa pagpili ng wikang pambansa ng Pilipinas.
- Si Jaime C. de Veyra ang naging tagapangulo ng komite. Napili nila ang Tagalog bilang batayan ng wikang tatawaging Wikang Pambansa.
Ilang dahilan kung bakit Tagalog ang napiling batayang wika:
- Mas marami ang nakapagsasalita at nakauunuwa ng Tagalog kompara sa ibang wika.
- Mas madaling matutuhan ang Tagalog kompara sa ibang wikain sapagkat sa wikang ito, kung ano ang bigkas ay siyang sulat.
- Tagalog ang ginagamit sa Maynila at ang Maynila ang sentro ng kalakalan sa Pilipinas.
- Ang wikang Tagalog ay may historikal na batayan sapagkat ito ang wikang ginamit sa himagsikan na pinamunuan ni Andres Bonifacio.
- May mga aklat na panggramatika at diksiyonaryo ang wikang Tagalog.
- Ipinalabas noong 1937 ni Pang. Quezon ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nag-aatas na Tagalog ang batayan ng wikang gagamitin sa pagbuo ng wikang pambansa.
- Dahil sa pagsusumikap ni Pang. Quezon na magkaroon ng wikang pagkakakilanlan, hinirang siyang ”Ama ng Wikang Pambansa.” Ang kautusang Tagapagpaganap Blg. 263 noong Abril 1940 ay nagpapahintulot sa pagpapalimbag at paglalathala ng Talatinigang Tagalog-Ingles at Balarila sa Wikang Pambansa. Pinasimulan ang pagtuturo ng wikang pambansa sa mga paaralang pampubliko at pampribado sa buong bansa.
- Pinagtibay ng Batas Komonwelt Big. 570 na ang Pambansang Wika ay magiging isa na sa mga wikang opisyal ng Pilipinas simula sa Hulyo 4, 1940. Nilagdaan ni Pang. Ramon Magsaysay ang Proklamasyon Blg. 12 noong Marso 26,1954 na nagpapahayag na ang pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa ay magaganap mula sa ika-29 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril bilang pagbibigay-kahalagahan sa kaarawan ni Balagtas (Abril 2).
- Nilagdaan ni Pang. Magsaysay ang Proklamasyon Blg. 186 noong Setyembre 23, 1955 na nag-uutos sa paglilipat ng petsa ng Linggo ng Wika mula ika-13 hanggang 19 ng Agosto bilang pagbibigay ng halaga sa kaarawan ni Pang. Quezon (Agosto 19).
- Noong Pebrero 1956, nilagdaan ni Gregorio Hernandez, Direktor ng Paaralang Bayan ang Sirkular 21 na nag-uutos na ituro at awitin ang Pambansang Awit sa mga paaralan.
- Nagpalabas si Kalihim Jose E. Romero ng Kagawaran ng Edukasyon ng Kautusang Pangkagawaran Big. 7 noong Agosto 13,1959 na nagsasaad na kailanma’t tutukuyin ang Wikang Pambansa, ang salitang Pilipino ang gagamitin.
- Nilagdaan ni Pang. Ferdinand Marcos ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 96 na nagtatadhana ng pagsasa-Pilipino ng mga pangalan ng gusali, edipisyo, at tanggapan ng pamahalaan noong Oktubre 24, 1967.
- Marso 27, 1968, nilagdaan ni Rafael Salas, Kalihim-Tagapagpaganap, ang Memorandum Sirkular Blg. 96 na nag-aatas ng paggamit ng wikang Pilipino sa mga opisyal na komunikasyon sa mga transaksiyon ng pamahalaan.
- Memorandum Sirkular Blg. 488 noong Hulyo 29, 1972 na humihiling sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan na magdaos ng Linggo ng Wika.
- Saligang Batas ng 1973, Artikulo XV, Seksyon 2 at 3 – ”Ang Batasang Pambansa ay magsasagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pormal na paggamit ng pambansang wikang Pilipino at hangga’t hindi binabago ang batas, ang Ingles at Pilipino ang mananatiling mga wikang opisyal ng Pilipinas.”
- Hunyo 19, 1974, nilagdaan ni Kalihim Juan L. Manuel ng Edukasyon at Kultura ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 25 na nagtatadhana ng mga panuntunan sa pagpapatupad ng patakarang edukasyong bilingguwal sa mga paaralan.
- Hunyo 21, 1978, nilagdaan ng Ministro ng Edukasyon at Kultura, Juan Manuel ang Kautusang Pangministri Blg. 22 na nag-uutos na isama ang Pilipino sa lahat ng kurikulum na pandalubhasang antas.
- Nabagong muli ang Konstitusyon nang sumiklab ang EDSA I noong Pebrero 25, 1986 at naging pangulo ng bansa si Gng. Corazon C.Aquino.
- Malinaw na nasasaad sa Saligang Batas ng 1987, Artikulo XIV, ang pagkakaroon ng Wikang Pambansa ng Pilipinas:
- Sek. 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino;
- Sek. 7. Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at hangga’t walang ibang itinatadhana ng batas, Ingles;
- Sek. 8. Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat isalin sa mga pangunahing wikang panrehiyon, Arabic at Espanyol
- Sek. 9. Dapat magtatag ang Kongreso ng isang komisyon ng wikang pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap, at pagpapanatili.