Hindi nagkaroon ng katuparan ang pangarap ng mga Pilipino na magkaroon ng sariling wikang gagamitin nila sa pakikipagkomunikasyon sa panahon ng Espanyol. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi rin nagtagumpay ang mga rebelyong sumibol sa iba’t ibang panig ng bansa. Bukod sa kakulangan sa armas, wala ring isang wikang nagamit na nauunawaan ng lahat.
Ano ang naging prinsipyo ni Dr. Jose Rizal hinggil sa wika na masasalamin sa kanyang nobelang El Filibusterismo?
Panahon ng Amerikano
(Hango sa ”Ang Wikang Pang-Edukasyon Noong Panahong Amerikano Hanggang sa Kasalukuyan,” Nelly I. Cubar, 1982)
Itinatag ng mga Amerikano ang mga pampublikong paaralan at ginamit nila ang Ingles bilang wikang panturo nang dumating sila sa Pilipinas noong 1898. Ang mga taong sabik magkaroon ng edukasyon ay pumunta sa mga bagong bukas na mga paaralan.
Noong 1901, sa pagrekomenda ng General Superintendent, ipinasa ng Philippine Commission ang Act no. 74 at inilagay lahat ng paaralang natatag na sa pangangasiwa ng Department of Public Schools at ginawa ang Ingles bilang tanging wikang panturo. Di natagalan, itong probisyong ito ay isinama sa Administrative Code noong 1917 sa ilalim ng Article IV, Section 22.
Itinakda sa preamble ng Jones Law noong 1916 ang kalayaan ng Pilipinas kapag mayroon nang matatag na anyo ng pamahalan. Dahil nakikinita nila na ang literasiya at wikang panlahat ang nagiging batayan ng isang matatag na gobyerno, minabuti ng mga Pilipinong lider na magampanan ng Ingles ang hinihinging ito ng batas.
Tiniyak ng mga Pilipinong lider sa Estados Unidos na mananatiling mahalaga ang Ingles sa paaralang pampubliko kahit na magkaroon ng pagbabago ang politikal na estato ng bansa. Ito ang sagot nila sa mga tanong ng mga Amerikanong lehislador na nababalisa tungkol sa papel na gagampanan ng Ingles kung magkaroon na ng kalayaan ang Pilipinas.
Pagkatapos magawa ang educational survey noong 1925, nagkaroon ng alinlangan tungkol sa bisa ng wikang Ingles kaya pinasa ng gobyerno ang Concurrent Resolution No. 17–inulit dito ang suportang ibinigay sa mga paaralang pampubliko para mapadali ang pagtatag ng isang bayang nagsasariling namamahala, malaya, at demokratiko, at nakasalalay sa mga mamamayang nakapag-aral at napakikinabangan. Sa wari, ang literasiyang nilalayong matamo ay ang sa Ingles dahil ang Ingles lamang ang ginagamit sa mga paaralang pampubliko.
Ang pag-aproba ng Tydings-McDuffie Law na nagtatakda ng petsa ng kalayaan ng Pilipinas ay nagpatahimik ng pag-alala ng mga Pilipinong politikal na lider. Dahil dito, napawi ang kanilang pag-aalinlangan kung ano ang dapat maging anyo ng isang matatag na gobyerno.
Noong itinatag ang Commonwealth Constitution, walang indikasyon sa Constitutional Convention na gawin ang Ingles bilang wikang pambansa. Itinakda ang isang probisyon para sa pagdebelop ng isang wikang pambansa batay sa isa sa mga umiiral na mga katutubong wika. Binanggit ang Ingles, kaugnay ng paggamit nito, bilang isa sa mga opisyal na wika. Noong Disyembre, 1937, prinoklama ang wikang pambansa batay sa Tagalog at itinuro ito sa mga paaralan mula noong 1940.
Samantala, ang wikang Espanyol ay tuluyang nanamilay sa pagpasok ng mga bagong opisyal na wika, ang Ingles at Filipino. Dahil dito’y napadali ang daloy ng kaisipan at kaunlaran at ang epekto ng impluwensiyang pangkalinangan ay nakapagpatighaw sa kalooban ng mga Pilipino upang kalabanin ang bagong kapangyarihang kolonyal. Mababanaag sa ating panitikan sa panahong ito ang pagpasok ng bagong kultura na di naglao’y lubusang lumukob sa katauhan ng higit na nakakaraming Pilipino.
Panahon ng mga Hapones
Noong Panahon ng mga Hapones napansin ang pagtuturo ng wikangpambansa, ngunit pagkaraan ng Hulyo 4, 1946 noong nagkaroon tayo ng kalayaan, ang suliranin tungkol sa paggamit ng wikang pambansa at wikang Ingles ay hindi na gaanong pinansin dahil sa mga suliranin pang-ekonomiya na dapat munang asikasuhin ng pamahalaan lalo na at katatapos lamang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang kainitan ng panitikang Pilipino mula noong 1935-1941 ay biglang nanlamig sa pagdating ng mga Hapones. Ang kalayaan sa pagsulat ay nahalinhan ng takot. Sino ang makasusulat o magsusulat sa panahong ang hanap ng mga tao’y kaligtasan sa kamay ng mga Hapones na balita sa kalupitan? Nagsara ang mga palimbagan maging Ingles at Tagalog. Subalit pagkalipas ng ilang buwan, pagkatapos pumasok ng mga Hapones, pinahintulutan ding buksang muli ang lingguhang magasing Liwayway sa pangangasiwa ni Kin-ichi Ishikawa, isang Hapones na may malawak na kabatiran sa layunin at tunguhin ng panitikan.
Sumunod na ring binuksan ang pahayagang Taliba sa labis na kagalakan ng mga manunulat. Ang panulaan sa panahong ito’y nagkaroon ng karagdagang anyo–ang malayang taludturan o free verse. Lumabas rin ang ilang tulang Tagalog na nahahawig sa haiku o hokku ng mga Hapones. Umunlad ang wikang Tagalog sa panahong ito dahil napilitan ang mga manunulat lalo na iyong mga nagsusulat dati sa Ingles, na magsulat sa Tagalog dahil nga ipinagbawal ng mga Hapones ang paggamit ng wikang Ingles.