Sinakop ng mga Espanyol ang ating bansa sa pamamagitan ng krus at ang espada. Ano ang sinasagisag ng mga simbolong ito? Paano nito naapektuhan ang kabuoang kasaysayan ng ating bansa? Sagutin sa espasyo sa ibaba.
Dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas noong 1521. Ang layunin nila’y hindi lamang pananakop bagkus mapalaganap ang Kristiyanismo sa mga unang Pilipino. Ito ang dahilan kung bakit kasama ng mga conquistador ang mga prayleng misyonerong dumating sa Pilipinas. Ang mga paring ito’y nag-aral ng mga wikain sa Pilipinas na naging daan ng mabilis na pagsakop sa puso’t isipan ng mga Pilipino. Ginamit ng mga Espanyol sa panulat ang alpabetong Romano bilang kapalit ng baybayin. Nagdulot ito ng mabilis na pagkatuto ng mga katutubo na bumasa’t sumulat sa mga wikain ng Pilipinas at sa Espanyol dahil na rin sa pagkakatatag ng ilang paaralang Katoliko sa Maynila, sa Visayas, at sa Luzon.
Nagsagawa ng mga pananaliksik o pag-aaral ang ilang misyonerong iskolar. Tinipon nila at binuo muli ang matatandang panitikang pasalita at pasulat, saka pinasukan ng mga diwang Katolisismo. Malaking pagbabago ang nangyari sa panitikan ng Pilipinas. Ito’y nagkaroon ng tuwiran at di tuwirang pagbabago sa paksa: Tuwiran, halimbawa sa mga aklat na nalimbag gaya ng katesismo. Sa di tuwiran naman, ang mga talambuhay hinggil sa santo o nobena, mahabang salaysay, at mahahabang kuwentong may paksang kabanalan at panrelihiyon. Ipinaloob sa panitikan ang etika at moralildad.
Ang mga misyonerong paring Dominiko naman ay nagdala ng limbagan at ginamit nila ito sa paglilimbag ng mga aklat at polyeto tungkol sa wika at sa relihiyon.
Panahon ng Espanyol
(Hango sa ”Ang Wikang Pang-Edukasyon Noong Panahon ng Kastila,” Nelly I. Cubar, 1982)
Pagkaraan ng 43 taong pagkakadiskubre ni Magellan ng Pilipinas noong 1521, nagsidatingan ang mga Espanyol kasama ng iba’t ibang orden ng mga prayle na nangasiwa sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo at ng pagtatag ng mga paaralan para sa pagbasa at pagsulat upang mapahusay ang pagtuturo ng relihiyon. Inatasan ng mga pinuno sa Espanya na ituro ang Espanyol sa mga Kolonya nito dahil batid nila ang kahalagahan ng kaalaman sa wikang para sa mabisang pagtuturo ng relihiyon. Bagaman walang pinansiyal na tulong na ibinigay ang pamahalaan, may mga ilang akademya at kolehiyong itinatag sa Pilipinas. Ang kauna-unahan ay ang Kolehiyo de San Ignacio na itinatag noong 1585 upang makapag-aral ang mga anak ng Espanyol sa Maynila.
Noong 1550, mayroon nang dekring inilabas na nagsaad na dapat magtatag ng mga paaralan para sa pagtuturo ng Espanyol sa mga Pilipino bagaman hindi ito natupad.
Ang mga ordenansa noong 1642 at 1752 ay nagbigay-diin sa pagtatag ng mga paaralan sa iba’t ibang distrito upang maturuan ng Espanyol ang mga katutubo ngunit hindi rin natupad. Mayroon namang isa pang dekri noong 1792 na nagbawal ng paggamit ng mga katutubong wika bilang panturo, ngunit gaya ng ibang dekri ay wala ring nangyari.
Samantala, noong 1863 si Jose de la Concha, ang kolonyal na ministro sa Espanya, ay nagmungkahi sa reyna ng isang dekri sa pagtatatag ng sistemang edukasyong pangkalahatan sa Pilipinas. Kaya matapos pag- isipan ito, iniutos ng reyna noong Disyembre 20, 1865 ang pagtatatag ng sistema para sa pagtuturo sa primarya na may tiyak na mga tuntunin sa pagtuturo at superbisyon. May probisyon dito para sa pagtuturo ng Espanyol. Kasama sa kurikulum ang praktikal na pagtuturo sa Espanyol at ortograpiya. Iniutos din sa dekri na bibigyan ng mga guro ang mga estudyante nila ng sapat na praktikal na pagsasanay sa pagsalita ng Espanyol. Pagka naunawaan na nila ang Kastila, ang mga paliwanag ay dapat gawin sa Espanyol. Dapat din ipagbawal ang pakikipag-usap sa isa’t isa sa kanilang wika sa oras ng klase. Ang guro na hindi tutupad sa mga probisyon nitong dekri ay maparurusahan sa pagmulta ng diez pesos sa unang paglabag at sususpendihin siya nang walang bayad mula 15 hanggang 60 araw sa ikalawang paglabag. Ang pinakamabigat na parusa ay ang hindi pagtuturo sa hindi hihigit na dalawang taon at hindi kukulangin ng isang taon.
Naging kakatwa ang dekri ng 1863 dahil ayaw ituro ng mga prayleng Espanyol ang kanilang wika upang maipagpatuloy nila ang pagsasamantala nila sa mga Pilipino. Kaya ginamit ang mga katutubong wika sa mga mababang paaralan sa Pilipinas. Ang mga mag-aaral, bata man o matanda, parehong tinuturuan ng doktrina ng Kristiyanismo kasama na ang mga bagay tungkol sa moralidad, kasaysayan ng Espanya pagbasa, pagsulat, aritmetika, heograpiya, praktikal na agrikultura, at pagkanta.
Noon namang Oktubre, 1867, mayroon na namang isang kautusan para makapag-aral ng Espanyol ang mga tao. Nakahikayat ito sa mga Pilipinong gusto maging miyembro ng principalia dahil ito ay para lamang sa nakapagsasalita, nakababasa, at nakasusulat sa Espanyol. Noong Disyembre, 1889, may kautusan ang superiyor na pamahalaan na gawing sapilitan ang pagpasok sa paaralan sa edad ng anim hanggang labindalawang taon. Ngunit wala ring probisyon sa pagpapatupad nito.
Gayundin, noong 1897 may 1,052 primaryang paaralan para sa mga lalaki at 1,091 para sa babae. May 200,000 mga batang nakapag-enrol. Ang pagtuturo sa mga paaralang ito ay hindi nagtagumpay dahil sa pagkukulang sa administrasyon, sa kakulangan ng interes sa mga pag-aaral na walang tuwirang kaugnayan sa moralidad at relihiyon, sa maliit na sahod ng mga guro, sa pagkuha ng mga guro, na hindi handang magturo ng Espanyol, at ang kalayuan ng populasyon sa mga primaryang paaralan.
Ano ang naging balakid sa pagsasakatuparan ng mga dekring galing sa Espanya? Sinalungat ng mga prayleng Espanyol ang pamahalaan sa programang pang-edukasyon at pangwika upang panatilihin ang kanilang sariling kapangyarihan at upang hindi matamo ng mga Pilipino ang mga liberal na ideya tungkol sa pansariling pamamahala at dahil naniniwala rin sila sa inaakala nilang liping kalamangan. Natatakot ang mga prayle na pag nagkaroon ng wikang komon ang mga Pilipino ay mawawala ang mga balakid bunga ng pagkakaiba ng mga katutubong wika at sa ganoon ay mawawala ang kanilang impluwensiya sa Pilipinas. Kaya, sinikap nilang hindi ituro ang Espanyol sa mga Pilipino bagaman tinuruan nila ang mga ito na bumasa at sumulat sa kani-kanilang katutubong wika.
Panahon ng Propaganda
Sa panahong ito, marami na ring mga Pilipino ang nagkaroon ng matinding damdaming nasyonalismo. Mabilis ang paglaganap ng mga akdang pampanitikan sa panahon ng Espanyol. Ang katutubong panitikan ng mga Pilipino ay nabihisan ng kulturang Espanyol at paksaing panrelihiyon. Mahigpit na gumapos ito sa puso’t diwa ng mga unang Pilipino hanggang tuluyang sakupin at umabuso sa kapangyarihan ang mga nandayuhan.
Sa ganitong kalagayan, ang mga Pilipinong may isip at mulat sa katotohanan ay hindi matanggap ang kawalan ng karapatan at kalayaan ng kanyang mga kalahi. Matatag at maingat na ginamit bilang sandata ang panulat sa unti-unting paggising at pagpamulat. Nagtungo sila sa ibang bansa upang kumuha ng mga karunungan.
Kabilang sa kanila sina Dr. Jose Rizal, Graciano Lopez-Jaena, Antonio Luna, at Marcelo H. del Pilar. Sa panahong ito ay maraming akdang naisulat sa wikang Tagalog. Pawang mga akdang nagsasaad ng pagiging makabayan, masidhing damdamin laban sa mga Espanyol, paghahantad ng mga makabuluhang impormasyon at malubhang kalagayan ng mga Pilipino sa sariling bansa ang pangunahing paksa ng kanilang mga isinulat. Sumilang sa panitikan ang damdamin ng pagtutol at ang diwang makabayan ang nangibabaw. Naging tahanan ng mga babasahing propaganda ng mga Pilipino ang iba’t ibang pahayagan sa loob at labas ng bansa tulad ng Diariong Tagalog sa Maynila, La Solidaridad sa Espanya, at ibang mga polyeto at aklat.
Hindi lamang sa panulat nagsikap ang mga propagandista bagkus gumamit din sila ng mga dulang panlansangan at pantanghalan tulad ng aninong gumagalaw, karilyo, sarsuwela, at balagtasan na ang tanging paksa’y pagkamakabansa, pagpapahalaga sa kalayaan, at karapatan sa sariling bayan.
Natuklasan ng mga Espanyol ang ganitong hangarin ng mga Pilipino kaya lalong naghigpit ang Censura Permanente ng mga Espanyol. Pinaghahanap ang mga propagandistang manunulat. Ang tatlong paring sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora ay pinabitay ng mga Espanyol sa pamamagitan ng ‘garote’ sa salang pamumuno sa rebolusyon at paglabag sa batas ng mga Espanyol. Sa ganitong pangyayari, sumiklab ang politikal at literaturang paghihimagsik ng mga Pilipino at tuluyang tinuligsa ang mga Espanyol mula sa mga panrelihiyong akda tungo sa pantanghalang panitikan, at lubusang binuo ang mga panitikang makabayan at pagmamahal sa Inang Bayan.